LUMUTANG na sa media ang pulis na idinadawit sa pagdukot sa Koreanong negosyante noong Oktubre 2016 na hanggang ngayon ay hindi pa mahanap. Siya si SPO3 Ricky Sta. Isabel. Dalawang dekadang nasa serbisyo, at nakatanggap din ng mga parangal at medalya. Ayon sa kanya, hindi niya maintindihan kung bakit siya idinadawit sa krimen. Kailan lang ay nagpahayag si PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa na “under restrictive custody” ang nasabing pulis, at may manhunt na inilunsad para sa kanya dahil nawawala raw. “Restrictive custody” pero hindi pa pala nila hawak? Nagbitaw pa ng mga nakasana-yang banta si Dela Rosa sa suspek na kung hindi susuko ay mamamatay. Kesyo matagal na raw siyang pulis at kung anu-ano pang sinasabi. Pero ayon sa suspek na pulis, araw-araw naman siyang pumapasok sa trabaho sa Crame, at nagpapa-attendance pa raw. Kaya sino ang nagsasabi ng totoo? Siya ba ang idinadawit, o may ibang suspek?
Madaling malaman kung talagang pumapasok ang idinadawit na pulis, hindi ba? Tanungin ang kanyang pinapasukan na tanggapan sa kampo. Kung totoong araw-araw naman pumapasok, ano pala ang manhunt na inutos ni Dela Rosa? Para kanino? Hindi niya alam na pumapasok naman pala araw-araw ang pangunahing suspek nila? Hindi niya alam na nasa parehong kampo lang pala ang pangunahing suspek? Parang nakakahiya naman yata.
Para naman sa akusadong pulis, bakit ngayon lang siya lumutang, kung ilang araw na siguro nababanggit ang kanyang pangalan? Lumutang lang nang malaman na may “manhunt” na para sa kanya? At paano mapapaliwanag ang nakunang CCTV ng sasakyan na ginamit umano sa pagdukot sa Koreano? Nakapangalan daw sa kanyang asawa, kung siya nga ang tinutukoy. Kailangan lumutang na rin ang kasambahay na unang isinama sa pagdukot sa Koreano, pero pinakawalan din. Masasabi niya kung siya nga ang pulis na pumasok sa kanilang tahanan. Ayon naman kay Sen. Panfilo Lacson, may isang kaso ng “tokhang for ransom” na naganap din noong Agosto. Kaibigan daw niya ang biktima. Tumulong siya para mapakawalan siya nang maayos. Nagbayad ng pantubos, pero nahuli at kinasuhan na ang mga sangkot. Pero napakabagal daw ng proseso. Tila ganito talaga, kapag mga pulis na sangkot sa krimen ang kinakasuhan. Mabuti nga at may kaibigan na senador ang biktima. Paano na ang Koreano na tatlong buwan nang nawawala. Ano na ang sinapit niya sa mga dumukot?