Dapat pag-aralan ng gobyerno

NGAYONG pumanaw na si Emilyn Villanueva, ang biktima ng ligaw na bala, depende kung sino ang tatanungin ninyo, pumayag ang kanyang pamilya na idaan sa awtopsiya ang bangkay, para makatulong sa imbestigasyon sa kaso. Dito sa Pilipinas, kailangan ng pahintulot mula sa pamilya ng isang namatay bago mapasailalim sa awtopsiya. Hindi tulad sa ibang bansa tulad sa US kung saan obligado ang lahat nang namamatay na idaan sa awtopsiya, para malaman ang sanhi ng pagkamatay. Dito na rin nila nasasabi kung may krimeng naganap, o wala. Isa rin itong dapat pag-aralan ng gobyerno. Alam kong hindi pa talaga likas sa ating kultura ang isailalim sa awtopsiya ang mga yumaong mahal sa buhay. Pero kung makakatulong naman sa imbestigasyon ng mga kaso tulad kay Emilyn, bakit hindi.

Hindi matanggal ang bala sa kanyang ulo noong buhay pa, dahil maselan ang kanyang kundisyon. Ngayon, hawak na ng mga awtoridad ang bala, para maihambing sa kanilang mga rekord. Kung rehistrado ang baril na pinagmulan ng bala na pumatay kay Emilyn, makikita nila ito sa pamamagitan ng ballistics. Ang problema ay kung hindi rehistrado ang baril. Sa bansa, napakarami pang mga hindi rehistradong baril na hawak ng mamamayan.

Ayon din sa DOH, malalaman na rin nila kung malapitang nabaril si Emilyn, kung may bumaril nga, o kung talagang malayo ang pinanggalingan ng bala. Mula naman sa PNP, hinahanap pa rin nila ang kanilang pinangalanang suspek sa pamamaril. May rekord na pala ang suspek sa pagpatay sa isang pulis. Lumalabas na matagal na itong hinahanap. Bakit hindi pinaalam ng barangay tanod, na tunay na target umano ng suspek, sa mga awtoridad ang lokasyon ng salarin, kung may rekord na rin pala sa pagpatay sa isang pulis? Sigurado maitatanong na naman ang napakalaking intelligence fund ng PNP, kung saan ginagamit, kung hindi mahuli ang isang suspek na may rekord na pala.

Hustisya ang hangad ng pamilya ni Emilyn. Pero ilang kaso na ba ng ligaw na bala sa mga nakaraang bagong taon ang nalutas na? May mga nahuli na ba? May mga nakulong na ba? Baka naman isang istatistiko na lang si Emilyn, na nadadagdagan tuwing bagong taon.

Show comments