Sana sinabi mo agad...
PUMASOK ang respektableng babae sa botika, lumapit sa lalaking pharmacist, at walang kurap na nagwika: “Bentahan mo nga ako ng cyanide.”
Nanlaki ang mata ng pharmacist, at nagtanong, “Mam, para saan po ninyo kailangan ang cyanide?”
Wala pa ring kurap ang babae sa pagsagot, “Lalasunin ko ang mister ko.”
“Aba’y labag po ‘yan sa batas,” napaatras ang pharmacist. “Kapag bentahan ko kayo ng anuman para sa ganyang pakay, matatanggalan po ako ng lisensiya, pareho tayo makukulong, maglalaho ang ating mga antas sa lipunan.”
Walang imik, binunot ng babae mula sa handbag ang retrato ng kanyang mister na nasa kama at katalik ang misis ng pharmacist. Nanliit ang mata ng huli at nagwika, “Aba’y hindi ninyo sinabi agad, Mam, meron pala kayong prescription. Sandali lang po at titimplahin ko ang cyanide.”
* * *
Pumasok ang bilyonaryo sa opisina ng parokyang Katoliko at dali-daling kinausap ang kura, “Father, namatay ang pinaka-mamahal kong aso, at gusto kong ipalibing ito sa sementeryo ng parokya, at ipagtatayo ko ito ng pinaka-malaking mausoleo,”
“Aba, sir, hindi po puwede ‘yan. Ang sagradong sementeryo namin ay para sa tao lamang,” naiinsultong tugon ng kura. “Mababastos ang himlayan kung diyan ililibing ang aso, at sa mausoleo pa man din.”
Naghandang umalis ang nagdadalamhating bilyonaryo, at nagsabi, “Sayang, Father, akala ko puwede ang hiling ko. Mag-aabuloy pa nga sana ako ng sampung milyong piso sa parokya para sa libing ng aso ko.”
“Huh, sampung milyong pisong donasyon ba ika ninyo, sir?” inulit ng kura. “E hindi n’yo sinabi agad na Katoliko pala ang aso n’yo. Aba’y puwedeng-puwede siya sa sementeryo natin. Ihanda agad ang libing!”
- Latest