SA nangyaring pagsalakay ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Kidapawan provincial jail sa North Cotabato noong Martes at pinalaya ang 158 na preso, napatunayan na bulok ang pasilidad ng jail at walang kahandaan ang jailguards sapagkat nasorpresa sila. Gayunman, nakipaglaban pa rin sila sa loob ng dalawang oras sa mga bandido pero hindi sila umubra kaya walang anumang nakatakas ang mga ito. Isang jailguard ang napatay.
Karamihan sa mga nakatakas ay pawang miyembro ng BIFF. Ang BIFF ay breakaway faction ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang BIFF ang sinasabing nasa likod ng pagpatay sa 44 na Special Action Force (SAF) commandos sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015. Hinahanap na ang mga nakatakas na bilanggo.
Hindi ito ang unang pagtakas na nangyari na sangkot ang mga nakakulong na bandido. Noong nakaraang Agosto 2016, sinalakay ng Maute group ang Lanao del Sur provincial jail sa Marawi City at pinalaya ang 23 bilanggo. Nilimas ng grupo ang mga baril ng guwardiya. Ang Maute group ay nakikipag-alyansa sa teroristang Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Masusundan pa ang pagsalakay ng mga bandido sa mga bilangguan para palayain ang kanilang mga kasamahan. Nakita na nila ang kahinaan ng mga bilangguan at walang kakayahan ang jailguards na ipagtanggol ang binabantayan. Kulang na kulang sa pasilidad ang mga bilangguan lalo pa ang nasa Mindanao. Kulang din ang baril ng mga jailguard kaya naman kayang-kaya ng mga bandido.
Ayon sa report, karamihan sa mga bilangguan ay walang CCTV kaya naman madaling nakakapasok nang walang kahirap-hirap ang mga bandidong tulad ng BIFF at Maute group.
Kailangan nang ma-improve ang kalagayan ng mga bilangguan sa bansa. Kung hindi, asahan na ang mga mangyayari pang jailbreak. Kawawa ang pagsisikap para maikulong ang mga criminal na patatakasin lang.