HINDI pa rin magkasundo ang Philippine National Police (PNP) at Department of Health (DOH) sa paraan kung paano tinamaan ng bala sa ulo si Emilyn Villanueva. Ayon sa DOH, ligaw na bala ang dahilan, dahil na rin sa direksiyon kung paano natamaan sa ulo si Emilyn. Sa taas ng kanyang ulo tinamaan, kaya malamang galing sa taas ang bala. Pero ayon naman sa PNP, may suspek na raw sila sa pamamaril. May target talaga ang salarin, pero ang natamaan daw ay si Emilyn. Pero paano nila mapapaliwanag ang direksiyon nang pagtama ng bala kay Emilyn? Matangkad ang suspek? Nasa mataas na lugar ang suspek? Tumalon ang suspek nang kalabitin ang baril? At kung may nagpaputok ng baril, hindi kaya dapat nagtakbuhan ang mga tao sa takot?
Kung may suspek na ang PNP, dapat mahuli na kaagad. Alamin kung ano ang tunay na nangyari. Pero para sa pamilya ni Emilyn, hustisya ang kanilang hinahangad, ano man ang dahilan. Comatose ngayon si Emilyn, at hindi pa alam kung ano ang mangyayari sa kanya. Nasa kamay na ng Diyos.
Sabihin na natin na ligaw na bala ang tumama kay Emilyn, habang wala pang ipinapakita ang PNP na matibay na ebidensiya na biktima siya ng pamamaril. Sa kabila ng mga matinding babala ni PNP chief Director General Ronald dela Rosa sa mga magpapaputok ng baril sa pagsalubong sa bagong taon, may mga hindi pa rin natitinag. Malakas ang loob dahil kampante na hindi sila mahuhuli. Ito ang kailangang baguhin, at makakamit lang ito sa tulong ng mamamayan. Hindi mababantayan ng pulis ang lahat ng lugar sa bansa. Kaya mga mamamayan dapat ang maging mapagbantay sa kani-kanilang komunidad. Kapag may narinig na nagpaputok ng baril, sabihin kaagad sa mga otoridad.
Hindi rin dapat kinukunsinti ng mamamayan ang maling gawain. Tulad na lang ng nangyari kay PO1 Daniel Castillo. Duty si Castillo sa Maynila noong bisperas ng bagong taon. Kilala siya ng komunidad, kaya tuwing napapadaan sa mga bahay-bahay, inalok siya na uminom. Sa dami nang tinanggap niyang alok mula sa mga bahay, nalasing siya. Dito na nawala sa isip at nagpaputok ng baril. Inubos ang isang magasin at nakuha pang palitan. Sa sobrang kalasingan, hindi niya alam kung bakit siya dinisarmahan at inaresto ng mga kapwa pulis. Hindi siya dapat inalok ng alak ng mga mamamayan dahil naka-duty siya. Kaya kung tutuusin, may pananagutan din ang mga nag-alok ng alak. Kung hindi siya nalasing, hindi siguro nagpaputok ng baril. Ngayon, namemeligro na ang kanyang trabaho at buhay. Hindi pa alam kung may tinamaan siya sa pagpapaputok ng baril. Sana wala.