KAHIT ipinipilit ng Department Health ang pamimigay ng condom sa mga estudyante ng senior high school, hindi ito dapat aprubahan ng Department of Education.
To do that is to wrongly educate the young students on the true value of sex. Baluktot na katuwiran ang sinasabi ng DoH na ang pamamahagi ng condom ay para pigilan ang paglaganap ng HIV/AIDS sa mga kabataan. Ayon kay Sec. Pauline Ubial ng DoH, abstinence pa rin o pag-iwas ang igigiit ng DH sa mga kabataan, pero para makaseguro, mamamahagi pa rin sila ng condom.
Kapag namigay ka ng condom, hindi mo hinihikayat ang kabataan na umiwas kundi ini-engganyo mo na subukan, pero gumamit ng condom para huwag magkasakit. Mali. Maling-mali. Sang-ayon ako sa abstinence, gayundin sa pagiging tapat sa iisang partner.
Kailangan lang ay maunawaan, lalo na ng mga kabataan na ang pakikipagtalik ay para lamang sa mga mag-asawa na bumubuo ng pamilya. Dapat may moral approach sa pagkikintal sa isip ng kabataan ng isyung ito. Call me old-fashioned but there are old verities that never lose their sense and meaning na dapat pa ring pananganan.
Ayon kay DepEd Undersecretary Tonisito Umali, wala pang pinal na desisyon ang departamento kaugnay nito. Naunang sinabi naman ni Education Secretary Leonor Briones na kailangan ang masinsing pag-aaral sa panukalang ito. Tila medyo bukas pa ang kaisipan ng DepEd, at may posibilidad na maaprubahan ang panukala. Sana huwag naman.
Bilang isang magulang din, sarado na ang isip ko sa isyu. Hindi dapat bigyan ng condom ang mga kabataan na walang kamuwang-muwang sa sex. Edukasyon ang kailangan nila para maintindihan ang usaping ito. At naniniwala ako na nauunawaan ito ng DepEd, kaya at the end of the day, hindi nito aaprobahan ang panukala ng DoH sa pamamahagi ng condom.