EDITORYAL - Taasan pa ang tax sa sigarilyo
MAGIGING P32 na ang isang kaha ng sigarilyo para sa murang brand at P35 naman para sa mamahaling brand kapag naging batas ang House Bill 4144 o ang Sin Tax Reform Act.
Pinaboran ng 176 na mambabatas ang panukala kaya tuluy-tuloy na ang paggulong nito hanggang maging ganap na batas. Maaaring sa susunod na taon ay madama na ng mga may bisyong yosi ang bigat ng dagdag sa presyo ng sigarilyo. Sa pagpapataw ng bagong tax, inaasahang kikita ang pamahalaan ng P14 bilyon.
Napakaganda ng panukalang ito. Bukod sa kikita ang pamahalaan sa malaking tax mula sa sigarilyo, marami rin ang mahihikayat na tumigil na sa pagyoyosi. Sa pagmahal ng presyo ng sigarilyo, maaaaring talikuran na nila ang nakakamatay na bisyo.
Sa isang pag-aaral, marami na ang tumigil sa paninigarilyo mula nang ipatupad ang pagtaas ng tax sa sigarilyo noong 2014. Umabot na 4.5 milyong Pinoy ang tumigil sa paninigarilyo mula nang itaas ang presyo ng bawat pakete. Napag-isip-isip marahil na sayang ang ibinibili ng yosi at nagiging dahilan pa ng kanser.
Nakatulong din umano nang malaki ang paglalagay ng graphic warnings sa pakete ng sigarilyo. Ang paglalagay ng graphic warnings ay nakasaad sa Republic Act 10643 na nilagdaan ni President Noynoy Aquino noong 2014. Kabilang sa mga ilalagay sa kaha o pakete ng sigarilyo ay mga retrato ng sakit na nakukuha sa paninigarilyo gaya ng cancer sa baga, lalamunan, bibig, pisngi, dila. emphysema, katarata, sakit sa puso at gangrene. Ayon sa DOH, 87,600 Pilipino ang namamatay taun-taon dahil sa mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo.
Maaaring dumami pa ang titigil sa pagyoyosi kapag lubusan nang naipatupad ang bagong tax sa sigarilyo. Sino pa ang bibili ng yosi na napakamahal at nagdudulot ng kanser sa baga. Mas magiging matimbang ang kalusugan kaysa sa hatak ng bisyong ito na walang naidudulot sa katawan. Mas maganda kung isasagad na sa super-taas ang tax para wala na halos bumili ng yosi. Ito ang dapat.
- Latest