EDITORYAL - HIV-AIDS campaign ng DOH, paigtingin

SA susunod na school year, plano ng Department of Health (DOH) na mag-distribute ng condom sa mga school bilang bahagi ng kanilang estratehiya na labanan ang pagtaas ng HIV-AIDS. Ito raw ang tamang paraan para mamulat ang  mga kabataan at maiwasan ang HIV-AIDS.

Malabnaw ang estratehiyang ito ng DOH. Bakit kailangan pang mamudmod ng condom sa mga school? Hindi na ito kailangan. Makapangyarihan na ang social media at ito lamang ay sapat na para mamulat ang kabataan ukol sa pag-iwas sa HIV-AIDS. Paigtingin ang kampanya sa pamamagitan ng advertisement sa TV at diyaryo. Sapat na ito para mamulat ang lahat.

Patuloy ang pagdami ng mga nagkaka-HIV-AIDS. Ayon sa report, mayroon nang 38,114 na kaso ng HIV-AIDS sa bansa mula 1984 hanggang Oktubre 2016. Noong nakaraang taon, mayroong 6,555 kaso mula Enero hanggang Oktubre 2015. At ang nakababahala, pawang kabataan pa ang nagkakaroon ng HIV – 15 anyos hanggang 24.

Ayon sa DOH, ang mga nagpa-positive sa HIV-AIDS ay mga kalalakihang nakikipagtalik sa kapwa nila lalaki. Nasa 80 percent ang mga kaso nang pakikipagtalik sa kapwa lalaki. Ayon sa DOH, hindi gumagamit ng protection gaya ng condom ang mga nagtatalik. Sumunod na nagpopositibo sa HIV-AIDS ay ang mga drug user kung saan nag-iinject sila ng droga gamit ang iisang heringgilya dahilan para sila magkahawahan.

Marami pang Pilipino ang walang kamuwang-muwang sa AIDS. Sa kabila na marami nang namatay sa sakit na ito, salat pa rin sila sa kaalaman. Paigtingin ng DOH ang kampanya para maipaalam sa mamamayan ang mga dapat gawin para makaiwas sa sakit na ito. Maraming namamatay dahil sa kamangmangan.

Show comments