EDITORYAL - Bakit hindi pa ngayon ibawal ang paputok?

LUMAMBOT ang desisyon ni President Rodrigo Duterte kaugnay sa pagbabawal ng paputok sa buong bansa ngayong taon. Binawi niya ang naunang pahayag na ipagbabawal niya ang paputok gaya nang ginawa niya sa Davao City noong siya pa ang mayor. Sa halip, sa susunod na taon na umano ang total ban ng paputok sa buong bansa. Marami na raw kasing nagawang paputok ang manufacturers kaya hindi na praktikal para ipagbawal sa pagkakataong ito.

Maraming nag-akala na magkakaroon na nang total firecrackers ban kasunod nang malagim na pagsabog sa isang pabrika ng paputok sa Sitio Banca-banca, Bgy. Pulong Buhangin, Sta. Maria, Bulacan noong Lunes na ikinamatay ng tatlong tao (dalawa ay bata) at malubhang ikinasugat ng anim na iba pa. Ang pabrika ng paputok ay pag-aari ng isang nagngangalang Wilfredo Alonzo. Ang mga namatay ay nakilalang sina Brylee, 5, kapatid na si Ashley, 2 at kanilang ina na si Mary Grace Mayo, 28.

Ayon sa report, nagtungo ang mag-iina sa pabrika ng paputok para dalhan ng pagkain ang padre de pamilya, na isa sa mga trabahador ng pabrika dakong alas-nuwebe ng umaga. Isang worker umano ang naglalagay ng pulbura sa ginagawang kuwitis nang pumutok ito at lumipad at naglanding sa mga nagawa nang kuwitis. Biglang sumabog ang pabrika at nadamay ang bahay ng may-ari at iba pang kalapit na bahay. Ang mag-iina ang napuruhan.

Noong Oktubre 12, isang pabrika ng paputok sa Bocaue ang sumabog din at ikinamatay ng tatlong tao, kabilang ang may-ari ng pabrika. Maraming bahay at sasakyan ang nasunog.

Taun-taon, may nangyayaring malalagim na trahedya sa mga gawaan ng paputok. Isa sa nakikitang dahilan kaya may nangyayaring pagsabog ay dahil walang kasanayan o walang sapat na kaalaman ang mga gumagawa ng paputok. Maski ang may-ari ng pabrika ay walang kamuwang-muwang na ang kanyang negosyo ay nakaharap sa panganib dahil sa kamangmangan ng kanyang mga trabahador.

Sana, itinigil na ang paggawa ng paputok nga-yong taon para maiwasan ang trahedya. Kung may mangyayari muling pagsabog sa hinaharap, maaa-ring sisihin ang Presidente dahil pinayagan niyang ipagpatuloy ang paggawa ng paputok.

Show comments