NAKATIKIM ng payo si PNP chief Gen. Ronald “Bato” dela Rosa kay Sen. Ping Lacson. Kailangang kumilos daw si Bato sa lantarang pagkakasangkot ng ilang pulis sa iligal na droga, baka pati sa ibang krimen na rin. Katulad ng pagpatay ng dalawang pulis kay Zenaida Luz, isa ay binigyan pa ng medalya ni Bato. Matagal nang gustong ayusin ng PNP ang kanilang imahe, pero paano magagawa kung ganito ang nalalaman ng publiko?
Nagsalita na si Kerwin Espinosa sa Senado, at isiniwalat ang kanyang mga naging transaksyon sa direktor ng CIDG-8 na si Marvin Marcos. Si Marcos ang pinuno ng grupo ng mga pulis na nagtungo sa selda ni Rolando Espinosa Sr. para magsilbi ng search warrant ng madaling araw. Napatay si Espinosa sa umanong “shootout”. Pero ang paniniwala ay sadyang pinatay si Espinosa para hindi na makasalita. Napansin ko rin na noong nagsasalaysay si Kerwin tungkol sa mga transaksyon umano kay Marcos, makikita ang kanyang emosyon at walang binabasang papel. Pero noong sinasalaysay ang mga transakyon umano kay Ronnie Dayan, walang emosyon at may binabasang papel. Napansin ko lang.
Napaiyak si Bato sa nangyayari sa PNP. Tao lang daw siya at hirap na hirap na sa laban. Hindi na raw alam kung sino ang pagkakatiwalaan. Pero sa tingin ko, imbis na maging emosyonal, kumilos na lang tulad ng payo ni Lacson. Hindi nakapagtataka na maraming pulis ang sangkot sa krimen. Matagal nang alam ng publiko iyan. Unahin ni Bato ang pag-imbestiga sa kanyang organisasyon. Nakapagtataka ba na noong naging seryoso si Pres. Duterte sa kanyang laban sa iligal na droga, ay napakaraming namatay sa kamay ng mga pulis? At ano na ang nangyayari sa mga imbestigasyon sa mga “death under investigation”? May nangyayari ba, o wala nang ginagawa dahil “mauubos ang mga pulis”?
Ilalagay na ni Bato sa “restrictive custody” ang 24 na pulis na sangkot sa raid sa selda ni Espinosa Sr. Dapat noon pa, pero dahil ang suporta ng administrasyon ay para sa pulis, hindi inaksyunan kaagad. Ito rin ba ang dahilan kung bakit lantaran ang mga ganitong kalakaran, dahil suportado sila ng administrasyon? Pinabulaanan ni Kerwin ang mga ginawa ng Albuera police sa kanyang ama. Peke raw ang affidavit, pati mga pinangalanan umano ng kanyang ama. Ang hepe ng Albuera police ang mahaharap ngayon sa imbestigasyon sa pagkakasangkot sa iligal na droga. Ito ang mahirap. Kung hindi pala nahuli si Kerwin, agad paniniwalaan ang affidavit na iyan? Paano kung nalagay ang pa-ngalan mo sa listahan na sinasabing peke? Wala ka nang depensa dahil nasa listahan na?