Pakikipagkaibigan sa China at Japan

HALOS nagkasabay lumipad pa-Pilipinas mula China nu’ng Oktubre si President Duterte at ang kaibigan kong pari na Tsino. Bagamat kontra-komunista, natutuwa ang pari sa magiging malapit na relasyon ng China at Pilipinas dulot ng pagbisita roon ni Duterte. Hindi pa nga nakakaalis ang huli, hinihikayat na ng gobyerno ng China ang mga mamamayan nito na bumisita sa mga magagandang tanawin sa Pilipinas.

Malaking tulong sa ekonomiya ng Pilipinas ang pagdagsa ng turistang Tsino. Bawat isa rito ay karaniwang gagasta ng $1,000 o P50,000 sa isang linggong bakasyon. Titira ito sa otel, titikim ng putaheng Pinoy, at mamimili ng souvenirs. Kung umabot nga sa dalawang milyong turistang Tsino kada taon mula sa kasalukuyang 450,000, kikita ang mga malalaki at maliliit na negosyanteng Pilipino. Dagdag ‘yan sa $24 bilyong pinangako ng Beijing na ipapautang sa infrastructures at ipupuhunan sa negosyo sa Pilipinas.

Mainam din ang lalong pagdikit ni Duterte ng Pilipinas sa Japan. Ang bansang ‘yon ang pinaka-malaking mag-abuloy ng ayuda at magpautang sa Pilipinas. Malaki rin ang kala­kalan at pamumuhunan ng mga Hapon sa Pilipino. Mas dadagsa ang aid, loans, trade, investments, at turismo kung lalong kakaibiganin ang Japan. Pati kagamitang pang-Coast Guard at depensang militar ay makakabili nang mura sa Japan. Bukod ito sa modernong teknolohiya sa pagkain, transportasyon, at kagamitang pangbahay at -opisina.

Kailangan lang balansehin ng Pilipinas ang relasyon sa China at Japan. Iwasan dapat ng Manila na maki-alyansang militar sa sinuman sa kanila. Kasi, matindi silang magka-kompetensiyang mga bansa. Libong taon ang kasaysayan ng kanilang hidwaan. Bagamat matindi ang kalakalan nila, nag-aaway sila sa karapatan sa East China Sea.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments