UMIYAK si Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa dahil sa malaking kahihiyan na dulot ng mga pulis na isinangkot ni drug suspect Kerwin Espinosa. Nakakadismaya aniya ang ginawa ng mga pulis na sinangkot ni Kerwin at hindi niya masisisi ang publiko kung mawalan ng tiwala sa iba pang miyembro ng PNP. Pero sabi ng PNP chief meron pang mga pulis na tapat sa tungkulin at handang maglingkod sa sambayanan.
Kahapon, hinamon ni Dela Rosa ang mga pulis at opisyal na umano’y gusto siyang ipatanggal sa puwesto. Lalabanan daw niya ang mga ito kahit sa anong paraan at anumang sandata ang gustuhin. Hindi umano siya natatakot at hindi raw siya susuko sa paglaban sa sindikato ng droga. Hindi raw niya iiwan si Pres. Rodrigo Duterte sa kampanya nito sa droga at hanggang maubos ang kahuli-hulihang drug pusher.
May katwiran namang mapaiyak si Dela Rosa sa siniwalat ni Kerwin sa Senado noong Miyerkules na ang mga CIDG policemen na nag-serve ng search warrant kay Albuera, Leyte mayor Rolando Espinosa ay nasa payroll pala ng iniimbesitigahang drug suspect. Tinukoy ni Kerwin si Chief Supt. Marvin Marcos at Chief Insp. Leo Laraga at ang da-ting police general at ngayo’y Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot. Tumatanggap nang malaking pera ang mga nabanggit mula kay Kerwin. Bukod sa tatlo, marami pang pulis ng Albuera ang nasa payroll ni Kerwin. Ito ayon kay Kerwin ay para sa proteksiyon sa kanyang drug trade. Ang mga pulis mismo ang nagsasabi sa kanya na huwag dadaan sa isang lugar sapagkat maglalagay sila ng checkpoint.
Talagang iiyak si Dela Rosa sa sinabi ni Kerwin. Kahit na Bato, bibigay siya dahil sa ginagawa ng mga miyembro at opisyal ng pulisya. Pero sa halip sanang umiyak, ipakita niyang kayang ireporma at isalba pa ang pinamumunuang organisasyon. Magsagawa pa ng puspusang pag-iimbestiga pa sa mga pulis-droga at basagin na ang mga ito. Marami pang pulis ang sangkot sa illegal drugs at dapat maubos na sila bago pa mahawa ang iba pa. Huwag susuko sa pagdisiplina sa mga kabaro.