SABI ng mga kontra sa paglilibing kay dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng Mga Bayani, hindi lang daw “nakaw na yaman” ang issue laban sa mga Marcos ngayon kundi “nakaw na sandali” para sikretong mailibing ang dating diktador.
Ang dating Presidente ay palihim na dinala sa Libingan ng Mga Bayani kahapon at sikretong ginanap ang seremonya ng paglilibing. Walang inanyayahan maliban sa ilang military officials na nagbigay ng simpleng military honor kay Marcos, hindi bilang bayani kundi bilang dating sundalo na lumaban noong World War II.
Marahil, iniiwasan ng mga Marcos ang tension ng mga mamamayang biktima ng martial law. Tiyak kasi na haharangin ang prusisyon ng paglilibing kapag ito’y maagang ibinalita. Kaya hindi ibinunyag ang simpleng paglilibing na idinaos.
Pero pinakakatagu-tagu man ang seremonya, madali itong nabatid ng taumbayan kahit medyo atrasado na. Matapos ang libing ay agad lumabas sa lansangan ang mga anti-Marcos para magprotesta bitbit ang mga placards na kumokondena sa dating Pangulo bilang diktador na maraming ipinapatay.
Ang sabi pa ng iba na galit na galit kay Marcos, hindi luha kundi “dura” ang papatak sa puntod ng dating Pangulo. Yung iba naman ay nangakong “iihi” sa libingan ng dating Pangulo para lamang ipahayag ang kanilang galit.
Daanin na lang sana sa prosesong legal at huwag sa puntong isasalahula ang libingan, kahit sino pa ang nakalibing. Sabi nga, let the dead rest in peace, not rest in pees.
Katuwiran ng iba, labag daw sa batas ang ginawa ng mga Marcos porke ang mga tumututol sa libing ay binigyan pa ng 15-araw para magpahayag ng depensa sa kanilang pagtutol matapos mag-isyu ng pagpayag ang Mataas na Hukuman na mailibing sa Libingan ng Mga Bayani sa Marcos. Pero sinabi kahapon ng Korte na walang illegal sa ginawang paglilibing.