NANINIWALA ako sa kasabihang “you cannot put a good man down.” Ang desisyon ng Office of the Ombudsman na nag-uutos sa pamunuan ng Senado na sibakin si Sen. Joel Villanueva ay nagpapakita na ang ahensyang ito ay may kinikilingan. Hindi ko kinakampihan si Villanueva, pero siya ba ay napatunayan nang nagkasala? Hindi pa! Patunayan muna matapos mahatulan ng Sandiganbayan ang topnotcher Senator, bago ipasibak. At kung tunay na nagkasala, eh di, ikalaboso!
Isa si Villanueva sa maraming opisyal ng nakalipas na administrasyong Aquino na isinasangkot sa umano’y paglustay sa kanyang pork barrel allotment nang siya ay Director General pa ng TESDA sa kasagsagan ng kontrobersya ng tinatawag na “pork barrel queen” Janet Napoles. Kaya ang tanong ng marami, ito ba’y dahil sa pulitika matapos sumuporta kay Duterte si Villanueva?
Napatunayan mismo ng mga handwriting experts ng National Bureau of Investigation noon na ang mga dokumentong sinasabing nilagdaan ni Villanueva ay pulos pineke, pero tila hindi man lang binigyan ng kaunting timbang ng Ombudsman. Bakit?
Ngunit kung ang usapin tungkol sa umano’y pagkakadawit sa droga ni Sen. Leila de Lima, madaling magpahayag ang Ombudsman na ito ay walang basehan para ikonsidera. Ha? Kahit pa umamin na ang Senadora sa sinasabing “romantic liaison niya sa kanyang bodyguard driver na si Ronnie Dayan, na sinasabing tagakuha ng mga drug payola niya?
Hindi ko inaabsuwelto agad si Sen. Villanueva. Punto ko lang, bakit hinatulan na siya agad na “guilty” ng Ombudsman nang hindi pa kumpleto ang due process?
Saan ko mang anggulo silipin, mukhang wala sa hulog ito. Ni hindi binigyan ng benefit of the doubt ang mga ebidensya ni Villanueva para patunayan na siya ay hindi guilty tulad ng inaakusa sa kanya. Magbasa sana ng Salita ng Diyos si Ombudswoman Morales partikular sa
Isaiah 5:20 na nagsasabing “woe to those who call evil good, and good evil.” Kasumpasumpa raw, sabi ni Lord na tawaging mabuti ang masama at masama ang mabuti.