IIMBESTIGAHAN ng Ombudsman si PNP chief Dir. Gen. Ronald dela Rosa dahil sa kanyang pagtungo sa Las Vegas para manood ng laban ni Sen. Manny Pacquiao. Regalo naman daw, ayon sa heneral, at hindi pera ng gobyerno ang ginastos sa kanyang pagpunta sa Las Vegas. Si Pacquiao ang nagbayad umano ng kanyang “bakasyon”. Pero hindi yata alam ng heneral na may batas hinggil sa pagtanggap ng mga regalo ng mga nasa gobyerno. Empleyado siya ng gobyerno, hindi ninuman. Kung pera niya ang ginamit sa paggastos, wala sigurong problema. Ang alam ko nga hindi rin basta-basta nakakabiyahe ang mga empleyado ng gobyerno. Kailangan may paliwanag, o pahintulot.
Section 7 ng Republic Act 6713 o ang “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees” ang batas na tinutukoy ng Ombudsman. Alam dapat ni Dela Rosa ito. Hindi puwedeng sabihin na hindi naman pera ng gobyerno ang ginamit. Paano pala kung pera ng kriminal na hindi niya alam ang ginamit, okay din lang? Ito ang dahilan kung bakit bawal tumanggap ng regalo ang mga opisyal ng gobyerno. Hindi alam kung may mga “pabor” na nakasabit o nakatago, na baka masingil sa ibang panahon. Kaya nga batas iyan.
Hindi raw alam ng heneral na bawal pala iyon. Pero gagamitin ko ang madalas gamitin ng mga MMDA traffic enforcers kapag nakakahuli sa kalsada, “Ignorance of the law is not an excuse”. Ipinagtanggol naman ni Pacquiao ang pagregalo niya kay Dela Rosa ng bakasyon sa Las Vegas. Mas marami pa raw dapat imbestigahan, kaysa itong imbestigasyon kay Dela Rosa. Tama. Puwede ring sabihin na mas maraming dapat gawin sa bansa ng isang mambabatas, kaysa lumaban sa ibang bansa at kumita, hindi ba?
Para sabihin ni Dela Rosa na hindi niya alam ang batas ay nakapagtataka. Siya ang hepe ng PNP. Dapat alam niya ang batas. Ano pa kaya ang hindi niya alam na batas? Meron pa kaya? Hindi matanggal sa aking isip na kung hindi kaalyado ng Presidente, hindi malakas sa Presidente ang nagtungo sa Las Vegas, dahil sinagot din ng isang pulitiko, okay lang din?