Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
OO, MATAAS NGA ang sahod na makapagtrabaho ka sa ibang bansa bilang Overseas Filipino Worker (OFW) subalit napakaraming dapat mong tiisin.
Andun ang malupit na amo, hindi nasusunod na kontrata, mga importanteng araw sa buhay ng iyong pamilya, birthday ng iyong asawa, birthday ng iyong bunso, graduation ng iyong panganay na hindi mo nadadaluhan. Dala-dala mo ang lahat ng ito. Kung mahina-hina ang loob mo baka ikaw ay bumigay.
“Nagpakamatay daw ang anak ko pero ang binigay nilang dahilan hindi naman makatotohanan dahil wala kaming problema sa pamilya at relasyon niya sa kanyang girlfriend,” ayon kay Delia.
Unang inilapit sa amin ni Delia Asupra ang problema niya sa kanyang anak na si Ryan Asupra na nagtrabaho bilang ‘aircon technician’ Riyadh.
Sa pamamagitan ng Elbeitam Management Services Inc. ay nakapasok ng trabaho sa Al Babtain Trading Co. si Ryan.
Nagsimula ang problema nina Delia nang sumama ang anak sa kanyang mga katrabaho na lumabas nung panahon ng Ramadan.
Sa halip na sa kaibigan ni Ryan sa Dammam sila magpunta ay dinala siya sa lugar kung saan may gumagamit ng droga. Pinilit daw siya ng mga ito at tinakot kaya walang nagawa si Ryan kundi sumunod sa mga ito.
“Nung pauwi na sila may check point silang nadaanan. Lumabas sa sasakyan ang anak ko para humingi ng tulong,” ayon kay Delia.
Hinuli sila ng mga pulis at bago sila dalhin sa presinto ay ipinagamot muna si Ryan. Dun na siya nanghingi ng tulong sa nurse na umasikaso sa kanya para matawagan ang karelasyon na nagtatrabaho sa Hongkong.
Ang girlfriend niya naman ang nagkwento kina Delia ng pangyayari. Nagawan naman ng paraan ng manager nina Ryan ang insidente at ipinalabas na hit and run ang nangyari kaya nakalabas sila sa kulungan.
Hulyo 29, 2016 nang huling makausap ni Delia si Ryan at kinampante nito ang ina na huwag ng mag-alala sa kanya dahil maayos na ang kanyang kalagayan. Ito na ang huling balita nila kay Ryan.
Totoo nga siguro ang kasabihan na nararamdaman ng ina ang nararamdaman ng anak kaya’t hindi siya mapakali.
“Agosto 1, 2016 nang makatanggap kami ng balita na may nangyaring masama kay Ryan. Nagmamakaawa kaming sabihin nila ang katotohanan pero walang makapagbigay ng detalye,” sabi ni Delia.
Utos daw ng kompanya na hindi sila pwedeng magsalita at tanging ang kompanya lamang ang pwedeng magbalita sa kanila.
Naging napakabagal ng araw sa kanila dahil palagi silang nakaabang kung ano nga ba ang tunay na nangyari kay Ryan. Palaisipan din sa kanila kung anong pinagdadaanan nito sa ibang bansa.
Hindi na nakatiis ang pamilya at nagtungo na sila sa tanggapan ng ilang sangay ng gobyerno para i-report na hindi nila makontak si Ryan.
Tuwing magtatanong sila ay ang sagot sa kanila ay maghintay lang dahil wala pang sumasagot sa kanilang mga email.
“Nakikiramay po kami,” ang natanggap na mensahe nina Delia.
Kumabog ang dibdib at nanlamig ang buong katawan. Isa lang ang ipinapahiwatig nito, patay na ang kanyang anak.
“Hindi pa rin nagbibigay ng impormasyon ang kompanya niya. Hindi man lang kami tinatawagan kung ano ba talaga ang nangyari,” ayon kay Delia.
Isang kasamahan sa trabaho ni Ryan ang umuwi ng Pilipinas at ito ang nagkwento sa kanila na nagpakamatay daw si Ryan gamit ang wire. Nakita pa raw ito ng ibang lahi na nasa hagdan na.
Ang lumabas pang dahilan kung bakit nagpakamatay ang anak ay dahil may problema raw ito sa pamilya at sa kanyang girlfriend. Imposible raw itong mangyari dahil maayos ang relasyon ni Ryan sa pamilya at sa karelasyon nito.
“Nagpunta kami sa agency niya pero ang sabi sa amin iba na daw ang pangalan ng ahensya pero pareho pa rin naman ang address,” salaysay ni Delia.
Nang makuha namin ang buong detalye kay Delia agad kaming humingi ng tulong kay dating Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Rafael Seguis at inilapit niya naman ito sa ating embahada sa pamamagitan ni Mr. Tomara Ayo, Legal Officer/ATN Assistant & Attache.
Nang magbigay ng mga numerong maaaring tawagan tungkol sa kaso ni Ryan si Delia ay ipinarating din namin sa embahada ang mga ito para mas madaling malaman kung buhay pa ba o totoong patay na si Ryan.
Ika-apat ng Nobyembre 2016 nang ibalita sa amin ni Delia na may natanggap daw silang tawag mula sa Saudi Airlines at sinabing 3:30 ng umaga ay darating si Ryan sa bansa.
“Ang sabi dadating daw dito sa Iloilo. Maaga pa lang naghintay na kami pero alas diyes na wala pa rin,” ayon kay Delia.
Ang kamag-anak daw nilang nasa Maynila ang tinawagan ng kasamahan sa trabaho ng anak na uuwi ang katawan nito sa bansa ng ganitong petsa at oras.
Nahuli lang daw ang flight nito papuntang Pilipinas. Pagkarating ng Pilipinas hindi pa kaagad nakauwi ng Iloilo ang labi ni Ryan dahil ang tiket lang daw nito ay Saudi to Manila at walang Manila to Iloilo.
Wala silang ideya kung kanino hihingi ng tulong gayung ang kapamilya ni Ryan ay naghihintay sa Iloilo.
Hindi na naman daw sila makalapit sa ahensya dahil nag-iba na daw ito ng pangalan at mukhang wala na talagang pakialam sa kanyang anak.
Mabuti na lamang at inasistehan sila ng kinatawan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA)
Maayos na nilang naiuwi ang katawan ni Ryan sa Iloilo.
Kasama na rin daw ang lahat ng mga dokumento sa kanyang labi at ang nakalagay nga ay nagpakamatay umano ang kanyang anak.
“Naiuwi na po namin. Maraming salamat po sa tulong ninyo,” ayon kay Delia.
Nais din naming magpasalamat sa embahada at kay former Undersecretary Rafael Reguis sa patuloy na pagtulong sa amin.
Tanging siya lang ang nakakaalam kung bakit siya nagpakamatay at dadalhin niya ito sa kanyang libingan at wala ng ibang makakaalam.
Nakikiramay din kami sa buong pamilya ni Ryan.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.