NGAYONG araw gugunitain ng mga Taclobanon at Capizeño ang ikatlong taon nang pananalasa ng bagyong Yolanda. Subalit ngayon araw din muling mauungkat ang pangako ng Aquino administration sa mga biktima na pabahay at pangkabuhayan sa pagdalaw ni President Rodrigo Duterte sa Tacloban City. Tiyak na makapagbibitiw na naman ng malulutong na pagmumura si Duterte dahil sa kapalpakan ng mga korap na opisyales na lumusaw sa bilyun-bilyong donasyon ng international communities. Nasaan nga ba ang pondo para sa mga sinalanta ni Yolanda? Bakit mahigit lamang sa 1,000 kabahayan ang naisakatuparan gayung ang orihinal na plano ng nagdaang administrasyon ay 13,300 kabahayan upang mailayo na sila sa panganib tuwing mananalasa ang mga malalakas na bagyo? Sa isyung ito, tiyak na may mananagot kay Duterte, di ba mga suki?
Kung sabagay naipanumbalik na ang pamumuhay ng mga taga-Tacloban dahil mas mabilis na naitayo ang ilang paaralan at kabahayan sa tulong ng mga non-government organization (NGO) kabilang na riyan ang Damayan Foundation ng Star Group of Publication na binubuo ng Philippine Star, Pilipino Ngayon at PM Pang Masa. Subalit kung hindi lamang pinag-interesan ang donasyon o ginamit lamang sa maayos na pamamaraan, tiyak na napakinabangan na ito ng mga taga-Tacloban. Iyan ang ikinabagsak ng mga kandidato ni P-Noy noong May election. Hehehe! Kung sa bagay ang Capiz ay malaki na pinagbago sa kakarampot na ayudang ipinagkaloob sa kanila ng DSWD. Kung inyong matatandaan ang Capiz ay napuruhan din, halos 85% ng kabahayan sa naturang lalawigan ay pinadapa rin ni Yolanda. Ngunit nakatuon ang Aquino administration noon sa Tacloban dahil libu-libo ang patay kung kaya ang Capiz ay nahuli sa tulong financial.
Subalit kahit na kakapiranggot ang tulong ng pamahalaan pilit na bumangon ang mga Capizeno sa sariling pagsisikap, kaya ngayon ay burado na ang nakapanghihilakbot na bakas ni Yolanda. Subalit ang bakas ng problemang iniwan ng nagdaang administrasyon ay nasa balikat ni President Rody ngayon na dapat niyang harapin. Marahil sa susunod na mga araw tiyak na ibabandera na rin ni Duterte ang mga korap na opisyales na lumustay ng pondo para sa mga sinalanta ni Yolanda.
Sa ngayon kasi galit si Duterte dahil hindi pa rin tumitigil ang korapsyon sa ilang ahensya ng pamahalaan at sa walang humpay na pagbatikos sa kanyan sa isyung extra-judicial killings ng human rights advocate. Maging ang Senado ay nagbabalak na buksan ang EJK hearing dahil hindi kayang kontrolin ng Philippine National Police ang patayan araw-araw at itong nagdaan lamang na mga araw maging si Albuera mayor Rolando Espinosa ay napatay sa loob mismo ng selda sa Baybay, Leyte Provincial Jail ng mga tauhan ng PNP-CIDG. Sayang ang pagkamatay ni Espinosa kung tutuusin dahil marami na itong naibulgar na mga opisyales ng pamahalaan at maging sa media na kasangkot sa droga. Malulusaw rin kaya katulad ng Yolanda donation ang mga naibulgar ni Espinosa matapos mapatay? Nanlaban nga ba si Espinosa o pinatahimik upang mapatigil na ang kanyang pagbubulgar ? Kayo ang humusga mga suki.