Adik si Hitler -- bagong aklat
DEYOLOHIYA ng rehimeng Nazi ang pagkabusilak ng katawan, isip, at budhi. Pero sa bagong saliksik ni Norman Ohler sa kasaysayan, talamak pala ang droga sa Third Reich. Nangunguna ang Germany sa pharmaceuticals bago mag-World War II, at ang mga malalaking pabrika tulad ng Merck at Bayer ay nagluluto ng cocaine, opiates, at higit sa lahat, methamphetamines, para gamitin nang lahat -- manggagawa, maybahay, at milyun-milyong sundalo. Regular ang rasyon sa mga tropa ng isang uri ng crystal meth -- pambugso ng sigla at animo’y walang kamatayan, mga pakiramdam ng adik kapag “high.” (Ito kaya ay shabu, na imbento ng isang chemist na Hapon sa Oregon nu’ng 1939, at ginagamit din noon na pampasigla ng mga manggagawa sa Japan?)
Droga, ani Ohler, ang sikreto sa ilang mga kagila-gilalas na tagumpay militar ng Nazis. Lumaganap ito pati sa taas ng istrukturang pulitika at militar, hanggang mismo kay Hitler. Sa mga taon ng digmaan, palulong nang palulong si Hitler sa halo-halong droga. Kabilang umano ang isang uri ng heroin, na iniiniksiyon sa kanya ng personal na doktor. Kolapso na raw ang mga ugat niya sa braso dahil sa dalas ng pagturok.
Hindi lang droga ang magpapaliwanag ng mamamatay-taong paniwala ng Nazis sa paghahari ng lahing Aryan, ani Ohler. Pero mas maiintindihan ang mga kaganapan nu’ng World War II ngayong ipinakita niya -- sa aklat na “Blitzed” -- ang papel noon ng droga.
Dahil sa droga, pabugso-bugso ang gawi at desisyon ni Hitler nu’ng mga huling taon ng giyera. Lulong na siya noon sa Eukodel, pampakalma na may halong heroin, na pinagamit sa kanya matapos ang matinding nervous breakdown nu’ng 1944.
Bagong saliksik ito, na malamang hindi pa alam ni President Duterte nang ihambing siya ng mga kritiko, at niya mismo, kay Hitler.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest