NOONG Sabado, grabe ang trapik sa EDSA, Quezon Avenue, Roxas Blvd. at iba pang malala-king kalsada sa Metro Manila. Trapik din sa paligid ng mga malalaking mall sapagkat marami nang nagsa-shopping. Inaasahan na ang lalo pang pagsisikip ng trapik habang papalapit ang Pasko. Wala na namang galawan ang trapik.
Nakakadagdag sa trapik ang mga ginagawang paghuhukay sa kalsada ng DPWH, Maynilad at mga constructions gaya ng skyway at flyover.
Noong isang araw, sinabi ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na aalisin na ang orange plastic barriers sa EDSA sapagkat nagdudulot lamang ng trapik. Wala itong silbi at nagiging embudo lamang.
Isa sa paraan na naisip ng MMDA para mapaluwag ang trapik ay ang pag-aalis ng “no window policy” sa mga lansangan sa Metro Manila. Noong Miyerkules, nilawakan na ang mga sakop kalsada ng “no window policy”. Kung dati ay EDSA, Roxas Blvd at C5 ang sakop, ngayon ay kasama na ang mga malalaking kalsada gaya ng Commonwealth, Quezon Avenue, A. Bonifacio, Taft Avenue at iba pang major routes. Maaari raw gawing permanente na ang “no window policy” sapagkat epektibo.
Isa pa sa magandang naisip na paraan ng MMDA ay ang pagbabawal sa parada ng libing. Nakaugalian na ang pagparada ng patay patungo sa sementeryo. Nagdudulot ito nang grabeng trapik sapagkat mabagal ang usad nito. Kapag ang prusisyon ang nasundan ng motorista, tiyak na aabutin ng ilang oras bago malampasan ito dahil maraming sasakyan ang kasama sa parada.
Tama lamang ang mga naisip na paraan ng MMDA para mabawasan ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila. Bilyong piso ang nasasayang sa trapik at kung hindi gagawa ng paraan, nagtatapon lamang ng pera.
Tip sa MMDA para mabawasan ang trapik: Alisin ang mga basketbolan sa kalye. Maraming kalsada ang ginagawang basketbolan at hindi magamit ng mga motorista. Alisin din ang mga nakaparadang bulok na sasakyan sa mga kalye. Kapag naipatupad ito, luluwag na ang mga kalsada at hindi na kailangan pa ang emergency power para kay President Duterte. Maraming magagawang paraan para masolusyunan ang trapik.