Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618
KAPAG MARAMING mata ang nakatingin sa ‘yo at alam mong nakabantay sila sa bawat mong kilos pilit mong itatama ang maling iyong nagawa.
Naisulat namin ang pag-carnap ng isang motor na ang ‘primary suspect’ ay Jultom “Tom” Gorembalem at sa tulong ng kanyang gf na si Cacai na ang totoong pangalan ay Aicie Luzano o Lozano.
Sa isang pagbabalik-tanaw kinuha ko bilang boy/messenger itong si Tom. Pinapagamit ko din sa kanya ang aking motorsiklo.
Nadiskubre kong hindi ito mapagkakatiwalaan lalo na pagdating sa pera. Halimbawa na lang kapag nagbigay ka ng dalawang daang piso na pang gasolina sa motor Php150 lang ang pinapakarga niya.
Sinibak ko siya sa trabaho at pinalayas ng bahay.
Nakatira lang si Tom malapit sa aming bahay kasama ang kanyang buong pamilya sa bahay ng kanyang pinsan.
Kahit na hindi na ito nagtatrabaho sa akin ay pumapasok pa ito ng aking bahay ng hindi ko alam.
Hindi ko alam na naging karelasyon niya si Cacai na isa sa aking mga house girl. Ito ang nagpapapasok sa kanya at nagbibigay ng pagkain at pera.
Maging ng aming kapitbahay na si Jennie ay nakita ang ginagawa niyang pagpasok sa bahay.
Bandang huli nang wala nang maiabot na pera itong si Cacai at nagsalita itong si Tom.
“Tangayin ko kaya itong motor na ito?”
Narinig pa ito ng dalawa kong house girl na sina Thelma at Let-let. Ilang araw ang nakalipas nawala na ang motor na Honda Wave 2012 color blue.
Si Cacai naman na nakuha ko kay Arlene Adwana ay nagpaalam sa akin. Natatakot na daw siya sa nangyayari kaya gusto na niyang umalis.
Agad ko namang itinimbre sa mga pulis ang nangyaring pagkawala ng motorsiklo at ang naging primary suspect dito ay si Tom.
Kasalukuyang nasa Prosecutor’s Office ng San Pedro na ito at hanggang ngayon ay hindi pa nagpapakita si Tom maging itong si Cacai.
Maging ang National Bureau of Investigation (NBI) ay pumasok na sa kasong ito upang alamin kung nandun sa bahay nila sa Samar.
Pati ang Jollibee Cubao kung saan nag-oopisina si Arlene Adwana ay kinalampag din namin dahil sa kanya ko nakuha itong si Cacai.
Pinaghahanap na ng mga otoridad ang dalawa at hindi pa din lumulutang para magbigay ng kanilang pahayag o sagot sa kinakaharap nilang kaso.
Nitong nakaraang araw Oktubre 27, 2016 may pumunta sa aming bahay na dalawang pulis sina PO2 Rommel Calanog at PO3 Hum Lloyd T. Espejon na may dala-dalang litrato at ipinakikita sa akin kung ito nga ang motor.
Andun pa din ang plate number na NI 5385 at hiniling nila na magpadala ng representative para i-identify ito.
Pinapunta ko naman ang aking driver na si Victor Gallanosa at si Danilo Mabras.
Kinilala nila yung motorsiklo at ginawa naman ng mga pulis ang kaukulang release order at nabalik sa amin.
Nang dumating sa bahay ang motorsiklo hindi ito mapatakbo dahil sinira ang susian.
Ang modus pala ng mga carnapper ay ginagamitan ng maliit na screw driver, pinipilit ipihit hanggang umikot at itutulak para mag jump start at tumakbo.
Puro putik ang motor na mukhang ginamit sa pilapil o putikan at ito’y natagpuan halos katapat ng mga tauhan ni Barangay Chairman Curvy Catalan at agad tinurn over sa mga pulis.
“Kahina-hinala ang motor at kumalat naman ang balita na nagkaroon ng nakawan sa may inyo kaya naisip naming baka ito na nga yun subalit sinunod pa rin namin ang tamang proseso kasi nakatimbre na sapulis at may kaso na ito,” pahayag ni Catalan.
Sa puntong ito ang pagsauli ng isang nakaw na bagay ay hindi ibig sabihin na abswelto ka na. Tuloy pa din ang kaso diyan.
Puro putik ito dahil may pinupuntahang bahay itong si Tom sa may Sta. Rosa na dadaan ka sa may putikan at may mga pila-pilapil.
Ito rin marahil ang dahilan kung bakit nawasak yung bandang harapan ng motor at itinali niya ng electrical wire na mahigpit.
Bakit iniwan niya malapit sa barangay? Simple lang, nakatimbre na siya Chrysanthemum Village at kapag nakita siya maaari siyang hulihin kahit walang warrant of arrest dahil ito’y tinatawang na ‘continuing crime’ dahil patuloy niyang ginagamit ang motorsiklo.
Bakit iniwan malapit sa barangay? Baka makita ng ibang carnapper ang motor at itakbo pa yun na nakapatong sa kanya ang kaso.
Ang motor ay nakita sa Felipe St. corner Dela Rosa at sa puntong ito nais kong pasalamatan ang mga tanod at higit sa lahat si Punong baranggay Catalan.
Ganun din naman ang dalawang pulis na sina PO2 Rommel Calanog at si PO3 Hum Lloyd T. Espejon.
Kaya ikaw Tom o Cacai may naisampa nang kaso sa inyo. Tuloy pa rin ito at hindi ako papayag na ibaba ang demanda sa inyong magkarelasyon na nahahagip ng CCTV na dun pa kayo sa gilid ng mga ibang kotse na gumagawa ng milagro.
Ang mabuti ninyong gawin Tom at Cacai ay lumutang kayo at harapin ninyo ang kasong nakasampa laban sa inyo.
Kung patuloy kayong magtatago siguradong malalabasan kayo ng ‘warrant of arrest’ at ibibigay ito sa mga pulis para kayo’y mahuli.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.