Nagkaisa para sa kinabukasan

ALANG-ALANG sa kapakanan ng mga musmos na hindi kayang itayo at ipaglaban ang sariling interes, nagkaisa ang dalawang higante ng pulitika. Sina dating Pres. Joseph E. Estrada, ngayo’y mayor ng Lungsod ng Maynila at dating Pres. Gloria M. Arroyo, ngayo’y Pampanga congressman, ay nagtagpo ng landas sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) para sa paglunsad ng kauna-unahang National Child Development Center ng bansa.

Hindi gaanong nabibigyan ng atensiyon sa mga pamantasan at kolehiyo ang mga kurso sa pagtuturo ng mga musmos o early childhood care and development. Sakop nito ang pagturo at paghubog ng mga batang mula bagong panganak hanggang apat na taong gulang.

Sa mga pag-aaral ng eksperto, napatunayan na ang mga edad  0 to 4 ay pinakaaktibo ang utak ng isang bata. Parang espongha itong tinatanggap lahat ng ibatong kaala­man. Ang ating lingguwahe at pananalita, mga ugali at paniwala, halos lahat ay dito nagmumula ang kuwento. Sa kabila nito ay kulang na kulang ang atensiyong iniuukol rito sa edukasyon ng mga bata, lalung-lalo na sa pampublikong sektor. Mabuti pa ang pribadong mga paaralan na halos lahat ay may pre-school at toddler school. Sa pampubliko? Grade 1 lang ang starting gate mo.

Si dating Senador Tessie Aquino Oreta ang siyang tumulak sa pagsasabatas ng Republic Act 10410 o “Early Years Act of 2013” na kumikilala sa ganitong kakulangan sa larangan ng public education. Nagkaroon ito ng kaganapan sa ilalim ng administrasyong Benigno Aquino III. Isa si Pres. Arroyo sa mga sumuporta rin dito kasama rin ang aking namayapang ama na si Sen. Ernesto M. Maceda noong ito’y kasamahan din nila sa Senado.

Ngayong nakaupo bilang Regent ng Board ng PLM si Senadora Oreta, minabuti nitong itaguyod ang kauna-unahang sentro sa pakikipagtulungan ni PLM President Leonora Vasquez de Jesus at, siyempre, sa kumpletong suporta ng makalinga at maunawaing Mayor Joseph E. Estrada. Mapalad ang Pilipinas, lalo na ang lungsod, na ang ganitong inisyatibo ay naumpisahan. Bonus na lang na masaksihan ang pagkakaisa ng dating magkaribal na Presidente para sa kapakanan, biyaya at kinabukasan ng ating kabataan.

Show comments