EDITORYAL - Nagkalat, Xmas lights na madaling masunog
BUMABAHA na naman ang mga mumurahin at depektibong Christmas lights sa mga tindahan sa Divisoria at ilan pang pamilihan sa Metro Manila. Dahil mura ang mga Christmas lights, maraming nahihikayat bumili. Wala silang kaalam-alam na ang mga Christmas lights na iyon ay takaw-sunog. Sa halip na maging masaya ang Pasko, palulungkutin ng sunog na nagmula sa mga walang kalidad na Christmas lights.
Nagbabala na ang mga awtoridad na huwag bumili ng mga Christmas lights na ito sapagkat maaaring pagmulan ng sunog. Ang mga Christmas lights na ito ay maninipis ang wire na madaling mag-init at nasusunog. Payo ng Department of Trade and Industry (DTI), bumili lamang ng mga Christmas light na may ICC markings.
Karaniwang made in China o Taiwan ang mga Christmas light at iba pang pailaw na ibinebenta. Nakalatag ang mga ito sa bangketa aT maaakit ang mamimimili sapagkat binebenta ng 3 for P100. Murang-mura kumpara sa mga makabagong Christmas lights na LED type na ang 100 lights ay P500.
Ang mga mumurahing Christmas lights ay madaling mag-init ang bulb, uusok ito at dito na magsisimula ang apoy. Mas madaling kumalat ang apoy kapag nakadikit sa kurtina at iba pang light materials. Marami nang pangyayari na kaya nagkaroon ng sunog sa panahon ng Kapaskuhan ay dahil sa mga depektibong Christmas lights. May mga namatay at napinsalang ari-arian.
Maging maingat. Huwag tangkilikin ang mga pailaw na magdudulot ng panganib sa buhay. Makakatipid nga sa mga mumurahing Christmas lights subalit maaaring maging mitsa ng trahedya. Sundin ang babala ng mga awtoridad sa pagbili ng Christmas lights.
- Latest