HANGGA’T nananatili ang mga tropang Amerikano sa Mindanao, hindi ito matatahimik, ani President Rody Duterte. Masakit sa mga Moro ang masaker sa Bud Dajo, Jolo, nu’ng 1906. Pinatay ng US Army ang 600 lalaki, babae, at bata sa kuta ng mga kontra kolonyalismo. May retrato ng sundalong Amerikano na bitbit ang riple at nakatapak ang bota sa hubad na dibdib ng biktimang babae. Malupit din ang sinapit ng Samar. Sa higanti sa ambush sa Balangiga, pinatay ng US Army ang 50,000 lalaki edad-10 pataas. May retrato ng mga nakapiring na batang Pilipino sa firing squad. At inapi rin ang Cavite, Laguna, at Batangas. Sa kampanya ng “rekonsentrasyon,” pinalayas ng US Army ang mga taga-baryo, at pinatay sa gutom ang mga Katipunero at kaanak na natirang lumalaban. Libu-libo ang namatay.
“Ayaw kilalanin, ayaw pagbayaran, ayaw pagsisihan ng US ang mapait na kabanatang ‘yan ng relasyon nito sa Pilipinas,” iling ni presidential spokesman Ernesto Abella.
Naiintindihan kaya ng Duterte admin ang pagtuligsa sa pagbaon kay Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani? Naaalala ng mga biktima ang patayan, pagdukot, pagpahirap, gahasa, at pagkulong nang walang sakdal nu’ng kanyang batas militar, 1972-1986. Isinalaysay ang ilang insidente sa mga librong “Tibak Rising” at “Subversive Lives.” Mahigit 75,000 biktima at pamilya ang nag-file ng kompensasyon sa ilalim ng bagong batas. Nauna nang nanalo ang 7.600 sa kanila ng $2-bilyong civil damages laban sa Marcos estate sa korte sa Honolulu. At inuulat ng Presidential Commission on Good Government ang pagbawi ng $4 bilyong nakaw nina Marcos at cronies na cash at ari-arian.
Hindi matatahimik ang mga biktima ng human rights violations. Kasi ayaw kilalanin, pagbayaran, at pagsisihan ng pamilyang Marcos.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).