‘Collective insanity’

NANININDIGAN si Sen. Leila de Lima na may­roon “conspiracy of the insane” sa Palasyo.   

Sa mababaw na pakahulugan, may umiiral daw na sabwatan ng mga buwang. Desperado na raw kasi ang administrasyon na gipitin at ipitin ang senadora.    

Tinawag niyang collective insanity kasi pati raw mga presong convicted sa ilegal na droga sa Bilibid, ginawang testigo laban sa kanya. Pilit daw pinag-drama sa Kongreso. Gumawa ng mga kuwentong kutsero kapalit daw ng pa­ngakong pardon o clemency. Sabi nga niya, ‘bayad-utang’.  

Pero kung aanalisahin, Kongreso ang collectively insane. Andun ang kuntsabahan. Palibhasa kasi katsokaran ni De Lima si Cong. Reynaldo Umali na lider ng mayorya. Gustong ipalabas ng kongresista na siya ay ma­bait at hindi bias. Hindi raw magsasampa ng kaso ang Kongreso laban kay De Lima dahil ang imbestigasyon nila ‘in aid of legislation’ lang.

Tama naman, hindi nila trabaho ang magsampa ng kaso laban sa senadora. Trabaho ito ng Department of Justice. Pero ang Kongreso puwedeng magrekomenda. Anuman ang mga na-establish nilang mga ebidensya sa mga serye ng Congressional hearing laban kay De Lima ii-endorso nila sa DOJ.

Palakasin at amyendahan ang mga nakitang kahinaan at butas ng batas. Bukod pa rito ang pagpasa ng mga bagong batas. Problema, walang ‘bayag’ ang mga mambabatas. Ni hindi masabing susuportahan nila ang DOJ sa mga kasong isasampa sa senadora.  

Tuloy sila ngayon ang iniinsulto ni De Lima. Puro lang daw sila imbestiga wala naman palang kasong isasampa. Kontra-kontra raw ang kanilang mga ginagawa. Hindi nila kayang pangatawanan ang mga sinasabi nilang matibay na ebidensya. “Sham conclusion” kung tawagin niya.  

Positibo naman ang DOJ na pagdating ng suspected drug lord na si Kerwin Espinosa makakapag-produce sila ng mga ebidensyang magdidiing sangkot sa Bilibid drug trade si De Lima.     

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel. 

Show comments