WALANG kompromiso sa Scarborough Shoal. Ito ang ipinangako ni Pres. Rodrigo Duterte ilang araw bago siya magtungo sa China. Hangad niya ang makakuha ng maraming mamumuhunan sa bansa, at para magbukas ng mga oportunidad para sa mga lokal na negosyanteng makapasok sa napakalaking merkado ng China. Ang mga magtatanim ng prutas ang inaasahang makapasok sa merkado ng China. Ilang buwan na rin niyang pinupuri ang China, habang binabatikos naman nang husto ang mga kaalyadong bansa tulad ng US, UN at EU.
Isa rin sa hangad ni Duterte sa kanyang biyahe sa China ay ang makabalik ang ating mga mangingisda sa Panatag Shoal, na magmula 2012 ay hindi na nakapasok dahil sa pangmamaton ng China. Hinaharang, pinapaalis at minsan ay binabantaan pa ang mga mangingisda ng mga malaking barko na nakapirmi na sa lugar. Sa pahayag ni Duterte na walang kompromiso, ang dapat nga ay hindi tayo nagpapaalam o nakikiusap sa China para makabalik ang ating mga mangingisda. Pero ayaw “galitin”o “pahiyain” ni Duterte ang China, kaya hindi ipamumukuha ang panalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration sa biyaheng ito.
Nagbabala naman si Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio na maaaring sampahan ng impeachment na kaso si Duterte kung isusuko na lang ang Panatag Shoal sa China. Nasa Saligang Batas na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas ang Exclusive Economic Zone nito kung saan pasok ang Panatag Shoal. Ang pagsuko nito ay labag sa Saligang Batas. Ilang beses nagpahayag si Duterte na hindi niya tatalakayin ang Panatag Shoal dahil “hindi natin kaya ang China.” Paano pala makakabalik ang ating mga mangingisda kung hindi tatalakayin? O ang plano ay pakikiusapan ang China na payagan na? Para na ring sinabi na sa kanila na ang lugar kung tayo =ang nagpapaalam o nakikiusap, hindi ba?
Maraming umaasa na magiging matagumpay para sa bansa ang biyahe ni Duterte sa China. Sana naman at tila nagsunog na siya ng tulay sa ilang mga kaalyado natin. Mga miyembro na lang ng kanyang Gabinete ang nagpapatay ng mga sunog na iyan, para hindi lubusang maputol ang relasyon. Pero may ibang mga tao ang tila binubuhusan pa ng gasolina ang sunog para mawala na sila nang tuluyan. Mas makabubuti sa bansa ang maraming kaibigan, hindi kaliwa’t kanang kaaway.