MAGANDANG balita dahil maipapatupad na ngayong buwan ang pagbabawal ng paninigarilyo sa mga pampublikong lugar. Magtatalaga naman daw ng lugar kung saan puwedeng magyosi. Gagawing 100% smoke-free ang ating bansa. Kung maaalala n’yo, ang dating Health secretary na si Juan Flavier, siya ang orihinal na may akda ng “yosi kadiri”. Noong panahon pa ni Flavier, hinimok na niya ang ating mga kababayan na hindi maganda sa kalusugan ang yosi. Nu’ng aking kabataan, isa ako sa mga naninigarilyo. Kahit sa mga jeep o kaya sa bus, makakakita ka ng mga taong nagyoyosi.
Sa nakaraang administrasyon ipinatupad ang paglalagay sa kaha ng sigarilyo kung anong sakit ang makukuha rito, pero marami pa rin ang hindi natinag dahil sila’y mga addict na. Ipinagbawal na rin ito noong mga nakaraang taon na bawal magyosi sa mga pampublikong lugar pero kinontra ito ng Court of Appeal.
Naniniwala ako sa kasabihang cigarette smoking is hazardous to your health. Marami ang namamatay dahil sa lung cancer na pangunahing nakukuha sa paninigarilyo. Mas masama sa kalusugan yung mga nakakalanghap ng usok ng sigarilyo, ito yung tinatawag na second hand smoke. Marami sa ating mga kababayan sa Ilocos Region ay nagtatanim ng tobacco leaf, isa ito sa kanilang pangunahing produkto. Pag ito’y naipatupad na, malaking halaga ang mawawala sa ating magsasaka. Sigurado ako, makakahanap sila ng ibang mapagkakakitaan at tutulungan naman sila ng local government unit (LGU). Sa ngayon mas binibigyang importansya ang kalusugan ng mamamayan.
Ayon kay Health Secretary Paulyn Jean Ubial naipatupad na ito sa Davao, nu’ng mayor pa si Pres. Digong Duterte at nakakuha pa sila ng papuri sa World Health Organization (WHO). Kung sasamahan ito ng curfew para sa mga kabataan na naninigarilyo, maganda sana kung ito ay maipatupad na sa lalong madaling panahon.