NGAYONG buwan na ito, nakatakdang lagdaan ni President Rodrigo Duterte ang isang Executive Order na nagbabawal manigarilyo sa lahat nang publikong lugar. Ayon kay Department of Health (DOH) Secretary Paulyn Jean Ubial, kapag nalagdaan ang EO, buong bansa ang sakop ng kautusan na bawal nang manigarilyo sa mga publikong lugar, mapaloob man o mapalabas. Ayon kay Ubial, nagawa na ito sa Davao City noong si Duterte pa ang mayor doon at naging matagumpay. Pinuri pa ng World Health Organization (WHO) ang Davao City dahil sa smoking ban.
Ayon sa DOH, ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar sa buong bansa ay upang makaiwas sa pagkakasakit ang mamamayan. Ang second hand smoke ay sinasabing mas matindi ang epekto sa mga nakalalanghap nito.
Ayon sa WHO, limang milyong tao ang namamatay taun-taon at maaaring maging walong milyon sa pagsapit ng 2030 kung hindi magkakaroon nang matibay na kampanya laban sa paggamit ng tabako o paninigarilyo.
Ayon sa DOH, ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo ay hypertension, heart attack, stroke, cancer at lung disease. Umano’y 14 milyong Pinoy ang may hypertension at ang dahilan ay ang paninigarilyo. Ang chronic obstruction pulmonary disease (COPD) ay isa sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo. Habambuhay na ang sakit na ito na kinapapalooban ng mahirap na paghinga.
Ngayong may kautusan nang ilalabas para sa pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, isang malaking regalo ito sa mga mamamayan na sawang-sawa na sa nalalanghap na usok ng sigarilyo. Makakaligtas na rin sa tiyak na pagkakasakit.
Kapag nailabas na ang kautusan, nararapat namang ipatupad ito nang buong husay ng mga kinauukulan. Mayroon nang ordinansa ang mga bayan at siyudad na bawal manigarilyo sa mga publikong lugar pero hindi ito naipatutupad. Sa umpisa lamang mahigpit pero makaraan ang isang linggo ay wala nang tigas ang ordinansa. Ningas-kugon lang ang lahat.
Sana, maipatupad ang pagbabawal sa paninigarilyo sa buong bansa ngayong si Duterte na ang nag-uutos.