MAY ILAN NAWAWALAN ng tiwala sa hustisya ng ating bansa. Ito ang dahilan kung bakit popular pa rin si Presidente Rodrigo Duterte sa kanyang pagpapatakbo ng kanyang administrasyon.
“Kapag may pera at makapangyarihan sa kanila panig ng batas,” ayon kay Pedro.
Dalawampu’t dalawang taon pa lang nang mamatay ang anak ni Pedro Arellano ng Sumilang, Pasig City na si Jester “Et” Arellano.
Masipag na anak si Et at nagpupursige na makatapos sa pag-aaral. Habang pumapasok siya bilang 3rd year ‘criminology student’ sa Infotech ay nagtrabaho rin siya bilang kargador sa palengke.
Sa paraang ito hindi na siya humihingi ng pambaon sa mga magulang. Nagtitingda ng ‘glassware’ sa palengke ang mga magulang ni Et at ito ang pinagkukunan nila ng pantustos sa araw-araw.
Ika-25 ng Mayo 2010…kaarawan ni Et kaya naman nag-inuman sila ng kanyang mga barkada. Maraming kaibigan si Et kaya naman ang mga bisita niya ang nag-ambagan para maipagdiwang ang kanyang kaarawan.
Nandun ang halos lahat ng kanyang kaibigan mula elementarya hanggang kolehiyo.
Kinabukasan Mayo 26, 2010 bandang alas tres ng umaga nang matapos silang mag-inuman. Mismong ang tatay na sana ni Et ang maghahatid sa mga bisita ng anak sa sakayan ng tricycle.
“Wag na tatay! Ako na maghahatid para isang hatiran na lang. Minsan lang ‘to!” sabi ni Et.
Hindi na nagpumilit si Pedro at hinayaan na ang kanyang anak. Kasama nito ang kaibigang si Jason Pagdanganan. Habang naglalakad sila sa kalye ng E. Santos may biglang humarurot na kotse.
“Pare! Muntik na tayong masagasaan!” sabi ni Jason.
Huminto ang kotse at bumaba ang nagmamaneho na si Dennis Hornachos, SK Chairman ng Barangay Buting, Pasig City. Kumuha raw ito ng baril, ikinasa sabay tutok kay Jason.
Kinalabit pero hindi pumutok. Kumaripas ng takbo si Jason sa takot sabay sigaw “Et! Takbo!”
Hindi sumunod si Et dahil malakas ang loob niyang wala siyang ginagawang masama at hindi siya ang kaaway. Sa dulo siya ang pinagdiskitahan.
Pinalo umano ng baril sa ulo si Et. Nang tumumba si Et ay nagsibabaan na ang mga kasama ni Dennis na may hawak na dos-por-dos. Pinaghahataw nila si Et hanggang sa humandusay ito sa kalsada.
Hindi nila ito tinantanan hanggang sa mamatay si Et. Hindi pa raw nakontento si Dennis at sinagasaan pa nito si Et.
“Ginulungan at ginawa nilang humps ang kapatid ko!” sabi ng kapatid na si Jon.
Si Pedro naman ay nililinis ang pinag-inuman nang may sumigaw na may tama ang kanyang anak na si Et at pinapapuntahan sa kanila.
Ang tiyuhin ni Et ang tumakbo at bumuhat sa biktima. Isinakay sa barangay mobile at isinugod sa Rizal Medical Center.
Naideklarang dead-on-arrival si Et. Ayon sa doktor tumusok sa puso ni Et ang ribs nito dahil sinagasaan ng akusado.
“Sabi ng doktor kung iipunin daw ang nawalang dugo sa kanya ay aabutin ng isang litro,” sabi ni Jon.
‘Severe blunt traumatic injuries trunk’ ang dahilan ng pagkamatay ni Et ayon sa ‘medico legal report’ na pirmado ni P/CInsp. Maria Anna Lissa Dela Cruz, medico legal officer.
Sa salaysay naman ni Jason na talagang kaaway ni Dennis, naninigarilyo siya nang dumaan ang isang maingay na motor na minamaneho ni Dennis.
“O yabang talaga!” sabi daw ni Dennis.
“F%(& You ka! Yabang mo! wika ni Jason nang makalagpas ang motor.
Narinig naman ito ni Dennis at huminto sabay tingin ng masama sa kanya. Makalipas ang tatlumpung minuto pauwi na si Jason nang dumating si Dennie. Sinuntok siya nito kaya’t gumanti naman si Jason, napahiga si Dennis sa motor nito.
Susuntukin na sana siya ng angkas ni Dennis ngunit kumaripas ng takbo si Jason at dumiretso sa birthday party ni Et.
Depensa naman ni Dennis sa kanyang kontra salaysay hindi raw sinasadya ang pagkamatay ni Et dahil nasagasaan lamang ito.
Ang kasong dapat nilang kaharapin ay ‘Reckless Imprudence resulting to Homicide’ lang at hindi kasong Murder.
May tumestigo naman laban kay Dennis, ang isa sa mga tambay na si Vincent Pascual. Maging siya ay hinampas din daw ng dos por dos ng kasma ni Dennis ngunit nasalag niya lang ng kanyang braso ang pamalo nito.
“Huwag yan kilala ko yan!” pigil daw ni Dennis sa kanyang kasama. Tinantanan na si Vincent pagkatapos nito.
Malapit na magkaibigan daw silang dalawa nung high school.
Nagsampa naman ng kasong ‘Physical Injury’ si Vincent ngunit ‘Dismissed’ ito.
“Grabe ang bugbog ni Et. Tanggal ang balat niya at biyak ang ulo. Sobra ang ginawa nila,” wika ni Jon.
Kasong Murder ang reklamong isinampa ng pamilya laban kay Dennis. ‘Dismissed’ naman ang kaso laban sa limang kasama ni Dennis sa kakulangan ng ebidensya.
“Meron ng warrant of arrest si Dennis at sa ngayon nagtatago siya. Sana matulungan n’yo kami na mahuli at mapagbayaran ang ginawa kay Et.” hiling ni Pedro.
Hanggang ngayon ang pamilya ni Et ay sumisigaw ng hustisya sa malagim na pagkapatay sa kanilang mahal sa buhay.
Gaano kahaba ang swerte mo at patuloy mong naiiwasan ang mahabang kamay ng batas. Malalaglag ka rin at baka masama ang iyong bagsak at matepok ka.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Kung sino man ang may impormasyon sa kinaroroonan ng nasa litrato sa ibaba ay ipagbigay alam lamang sa mga numero:
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618