MAY ibig patunayan si Quezon City Police District director Sr. Supt. Guillermo Eleazar sa mga taga-Quezon City. Nang sibakin niya ang 150 pulis sa iba’t ibang unit at presinto ng QCPD binansagan siya na “purger” o maninibak ng kanyang mga kabaro. Paano nga naman karamihan sa mga sinibak niya ay itinapon sa Mindanao matapos na masangkot sa drug activities, kotong at pagpapabaya sa serbisyo.
Pero sa kabila ng nasabing imahe may nakatagong kabaitan naman pala si Eleazar sa mga pulis na gumaganap nang tapat sa tungkulin, kasi nitong nagdaang Linggo lamang pinangunahan mismo ni Eleazar ang pag-promote sa 627 pulis ng QCPD sa ranggong PO2, PO3 at PO4. Ito yaong mga ordinaryong pulis na palaging humaharap sa operations. Ayon kay Eleazar, naniniwala siya sa prinsipyong “reward the good, reject the bad”. Mukhang ang sekretong taktika ni Eleazar para mapakilos ang buong tropa ng QCPD ay ang pagpapakita ng patas na pagtrato sa tauhan. Sibakin ang mga may bahid ang integridad, pero bigyang-pagkilala ang mga tunay na nagsisilbi sa taumbayan.
Magandang inspirasyon ang ipinakikitang liderato ni Eleazar sa misyong iniatang ni PNP chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa at National Capital Region Police Director Chief Supt. Oscar Albayalde. Patunay rito ang sunud-sunod na accomplishment ng QCPD sa paglutas ng mga krimen. Kabilang na rito ang agad na pagdakip sa suspek sa brutal na pagpatay sa isang nurse ng St. Luke’s Medical Center. Kinilala ni Eleazar ang suspek na si Jeffrey Guarin, 22, na dati nang sumuko sa ilalim ng Oplan Tokhang noong July 15. Inamin ni Guarin na lango siya sa droga nang isagawa ang pagpatay kay September Ann Paz, 24, na nagtamo ng 19 na saksak.
Mabilis din ang naging responde ng QCPD sa kaso ng pamamaril sa anak ni Quinnie Casimiro ng ABS CBN Zamboanga na si Jan Dexter Rafael Concepcion, IT Specialist. Pinagbabaril si Jan Dexter noong Agosto 8 sa harap ng Avida Condominium sa EDSA, Bgy Bagong Pag-asa sa Quezon City ng dalawang lalaki.. Nahuli ang mga suspect noong Agosto 17 at Agosto 19, magkasunod na naaresto sina Ronnie Espinosa at Ariel Acaso. Isa pang matagumpay na operasyon ng QCPD ang pagkakapatay sa kilabot na pinuno ng isang gun-for-hire gang na nag-ooperate sa Region 3, Region 5 at Metro Manila. Ang napaslang ay si Glen Peregrino Ebio, 31, na matagal nang may standing warrant of arrest para sa kasong murder, at isa pang lalaki na hinihinalang miyembro rin ng sindikato.
Noong Hulyo 12, nagawa namang mapilayan ng QCPD ang kilabot na Asero drug group makaraang mapatay sa engkuwentro ang pinuno at apat na miyembro ng sindikato sa ginawang buy-bust operation ng anti-drug operatives ng QCPD Station 4 sa Novaliches. Ang pinuno ng sindikato na napatay ay kinilalang si Narciso Agave Asero.
Samantala, nakikiramay ako sa mga naulila sa pagpanaw ni Direk Danny Ochoa. Si Pareng Danny Ochoa ay pumanaw noong August 26 sa edad na 72 yrs old. Siya ay nakaburol sa Faith Chapel of Paket Santiago Funeral Homes, Marcos Highway, Antipolo City. Ang cremation ay sa Martes (Agosto 30) sa Heaven’s Gate 1, Memorial Park Cremation, Cogeo 1, Antipolo City.