NAKAAALARMA ang pagdami ng mga nagkaka-dengue. Mas marami ang nagka-dengue ngayon kumpara noong nakaraang taon. Ayon sa Department of Health (DOH) mula Enero hanggang ngayong buwan na ito, umabot na sa 84,085 ang nagka-dengue at 372 na ang namatay. Noong nakaraang taon nasa 72,627 lamang ang nagka-dengue sa parehong period.
Sinabi pa ng DOH na nadagdagan ang listahan nila ng dengue “hot zones” sa National Capital Region. Tinukoy nila ang mga barangay na kinabibilangan ng Pinagbuhatan sa Pasig City; Batasan Hills, Fairview, at Pinyahan sa Quezon City.
Nadagdag naman bilang dengue hot spots ang mga probinsiya ng Apayao. Benguet, Pangasinan, Pampanga, Zambales, Batangas, Laguna, Rizal, Oriental Mindoro, Antique, Negros Occidental, Negros Oriental, Cebu, Southern Leyte, Bukidnon, Lanao del Norte, Misamis Oriental, Davao del Norte, Davao del Sur at Davao Oriental.
Ang dengue ay nagmumula sa kagat ng lamok na Aedes Aegypti. Madaling makikilala ang lamok na ito sapagkat batik-batik ang katawan. Kadalasang sa araw ito nangangagat.
Sintomas ng dengue ang lagnat, pagkakaroon ng pantal-pantal sa balat (rashes) pananakit ng ulo at kasu-kasuan, lagnat at pagsusuka.
Ang pagiging malinis sa bahay at bakuran ang pinakamabisang panlaban sa dengue. Takpan ang mga drum, timba at iba pang lalagyan ng tubig para hindi pangitlugan ng lamok. Itapon ang mga basyong bote at lata, tinapyas na gulong ng sasakyan, mga paso ng halaman at iba pang posibleng pangitlugan. Linisin ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig sapagkat dito nangingitlog ang mga lamok at mabilis silang dumami.
Nararapat namang magsagawa nang maigting na kampanya ang DOH sa dengue sa mga lugar na dineklarang hot zones at hot spots. Palawakin ang pagbibigay ng inpormasyon sa mamamayan ukol sa dengue. Marami pa rin ang salat sa kaalaman ukol sa mga lamok na naghahatid ng sakit lalo na ang mga nasa liblib. Isama na rin sa mga aralin sa school ang pag-iingat at paglilinis sa kapaligiran para malipol ang mga lamok. Magtulung-tulong ang mamamayan para lubusang masawata ang paglaganap ng dengue.