SA Pilipinas, madaling magkahawahan ang mga miyembro ng pamilya kapag may sipon o ubo ang isa sa kanila. Bukod sa hindi paghuhugas ng kamay, ang isa pang sanhi ng pagkahawa-hawa ay ang pag-ubo sa harap ng ibang tao.
Maraming sakit ang maipapasa sa iba sa pamamagitan ng pag-ubo, pagbahin at paghalik. Ito ay ang mga sakit na tuberculosis, pulmonya, trangkaso, ubo at sipon. Tandaan natin na kapag tayo’y may sakit at inuubo, lumalabas ang mikrobyo mula sa bibig at ilong natin patungo sa bibig at ilong ng ibang tao.
Ang mga bata ang madalas makahawa sa kalaro nila dahil hindi sila nagtatakip ng bibig kapag umuubo. Alamin ang tamang paraan ng pag-ubo.
1. Gumamit ng tissue o panyo kapag uubo o babahing. Pagkagamit ng tissue ay itapon ito sa basurahan.
2. Huwag umubo sa harap ng ibang tao. Lumayo ng 4 feet sa taong inuubo.
3. Huwag umubo sa iyong kamay dahil mas madali mong maililipat ang mikrobyo sa ibang tao. Kapag nagkamali ka at nakaubo sa iyong kamay ay maghugas na lang ng kamay pagkatapos. Puwede din gumamit ng alcohol kung walang tubig at sabon.
4. Ang tamang direksyon ng pag-ubo ay pababa patungo sa sahig. Huwag umubo ng pataas dahil maikakalat mo lang ang iyong mikrobyo sa buong kuwarto.
5. Huwag dumura ng plema kung saan-saan lamang. Dumura sa lababo o kubeta at hugasan ito ng tubig.
6. Kung kayo ay may sakit at inuubo, huwag munang pumasok sa trabaho o paaralan para hindi makahawa ng iba. Ngunit kung kinakailangan mong pumasok sa trabaho ay magsuot ka ng face mask.
Sa ibang bansa tulad ng Singapore at China, may batas silang nagbabawal sa pagdura ng plema sa kalye. Ito’y dahil may mga sakit, tulad ng tuberculosis, na puwedeng maipasa sa ibang tao. At dahil laganap ang tuberculosis sa Pilipinas, dapat ay mag-ingat sa mga taong umuubo at dumudura ng plema.
Kapag nahawa ang isang tao ng TB ay mangangailangan siya ng 6 na buwang gamutan para gumaling. Kaya tandaan: Huwag umubo sa harap ng iba, huwag dumura kung saan-saan, at maghugas ng kamay palagi.