PINAKA-praktikal na paraan umano ang Constituent Assembly (CA) sa pagbago sa federal-parliamentary government. Sinusuwelduhan na ang mga senador at kongresista para gumawa ng batas; isisingit na lang nila sa work schedules ang pagrebisa ng Konstitusyon. Aapurahin nila ang pag-alis mula sa kasalukuyang unitary-presidential sa loob ng tatlong taon, bago magwakas ang termino ng kalahati ng Senado at buong House of Reps. Kung Constitutional Convention, gagasta pa ng P7 bilyon sa eleksiyon ng mga delegado, bukod sa sahod nila. Walang katiyakan kung kelan sila matatapos, o kung babaguhin din nila ang Konstitusyon.
Pero duda ang mga tao sa CA. Kabado sila na mananaig lalo ang pansariling interes ng mga politiko. Babarahin ng mga senador kung unicameral ang parliament, ipipilit nila ang nakasanayang bicameral.
Hahadlangan naman ng buong CA-Kongreso ang pag-alis sa political dynasties. Kasi nga naman, apat sa bawat limang mambabatas ay bahagi ng mga naghaharing dynasties sa kani-kanilang lokalidad.
Haharangin din ang hangad ni President Rody Duterte na pag-alis ng party-list voting. Inabuso na ng mga elitistang politiko ang sistemang ‘yon. Pero paano ‘yon wawakasan kung 20% ng Kamara -- 59 na kongresistang dynasts -- ay taga-party list?
Kung tutuusin, gan’un din ang mangyayari sa halal na Con-Con. Mga asawa, anak, magulang, at kapatid din ng mga kasalukuyang taga-Kongreso ang magde-delegado. Hindi makakasingit ang repormistang mamamayan. ‘Yan nga ang dahilan kaya, nung Halalan 2016, ay 558 kandidato sa pagka-kongresista, gobernador, at meyor ay unopposed.
Pinapanukala tuloy na humirang ang Presidente at Kongreso ng Constitutional Commission. Bubuuin ito ng mga eksperto na susulat ng mga pagbabago sa Konstitusyon, na siya namang ipapanukala sa CA.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).