MAY kilala ba kayong alcoholic? Paano ba natin sila matutulungan?
Una sa lahat, kailangang aminin niya na may problema siya sa alak. Kahit itinatanggi pa niya ito, ang isang alcoholic ay hindi na mapigilan ang dami ng kanyang iniinom. Ang ibig sabihin ay nakadepende na ang kanyang katawan sa alak. At kapag hindi siya uminom ay makararanas siya ng withdrawal symptoms tulad ng pagsusuka, panginginig at pagkabalisa.
Gamutan sa alcoholic:
1. Magtakda ng araw kung kailan mo balak itigil ang pag-inom ng alak. Kailangan ay may nais kang itigil ang pag-inom.
2. Kung matindi ang pag-abuso sa alak, baka kailangang ipasok sa ospital ang pasyente para maibsan ang withdrawal symptoms. May gamot ding ibinibigay ang doktor (disulfiram) para maiwasan ang muling pag-inom ng alak.
3. Kumunsulta sa doktor at magpa-check up ng atay, puso at utak. Ipasuri ang dugo para malaman kung may nasira nang organo sa katawan dulot ng alak.
4. Malaki ang tulong ng counseling para mabago ang pananaw at kaugalian sa pag-inom ng alak. Mayroon ding mga rehabilitation center kung saan mananatili ang pasyente ng 6 na buwan habang nagpapagaling. Kailangan ang pagkalinga ng pamilya sa ganitong pagkakataon.
Paano iiwas sa alak:
1. Magkaroon ng healthy lifestyle. Matulog nang maaga at huwag magpupuyat. Mag-ehersisyo at kumain ng masustansiya.
2. Umiwas sa barkadang nag-iimpluwensiya sa iyong uminom. Sabihin sa kanilang ayaw mo nang uminom.
3. Huwag gawing dahilan ang pagsama sa kliyente para uminom. Umorder na lang ng tubig o juice.
4. Lutasin ang iyong problema sa tamang paraan. Huwag daanin sa pag-inom ng alak.
5. Magkaroon ng bagong gawain at pagkakaabalahan. Tumulong sa komunidad o sa simbahan.
6. Payuhan ang mga bata tungkol sa peligro ng alak. Mahilig kasing mag-eksperimento ang mga bata.
7. Huwag uminom ng alak para hindi kayo tularan ng inyong mga anak. Ginagaya ng kabataan ang gawain ng magulang.
8. Tanggalin ang lahat nang alak at beer na nakatago sa bahay.
9. Magdasal at ipasa ang iyong suliranin sa Diyos. Siya ay laging handa na tumulong sa iyo.