NOONG nakaraang Linggo (Hunyo 12) ay ipinagdiwang natin ang ika-118 anibersaryo ng kalayaan. Ito ay isang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan na nagpapakita ng ating kakayahang magtagumpay kasunod ng pagkakaisa tungo sa iisang mithiin.
Samantala, sa kasalukuyang panahon ay ang malawakang kahirapan ang pinakamalaking problema ng bansa. Sa problemang ito dapat na maging malaya ang marami nating kababayan.
Sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) na inilabas noong Marso 2016, nasa 26.3% ang poverty incidence sa bansa para sa unang semestre ng 2015. Mas mababa ito kaysa sa mga poverty incidence rate na naitala sa mga nagdaang taon: 28.8% noong 2006, 28.6% noong 2009 at 27.9% noong 2012.
Sa parehong ulat ay nananatiling mga rehiyon sa Mindanao ay may pinakamataas na poverty incidence. Sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay naitalang 59%, samantalang maraming rehiyon sa Timog Pilipinas ang may higit 40% poverty incidence.
Bukod sa pangakong pagsugpo sa kriminalidad at korapsyon sa pamahalaan, ang kahirapan ay isa sa tingin natin ay dapat pagtuunan ng pansin ng susunod na administrasyon. Ang anumang programa na magbibigay ng direktang benepisyo at ayuda sa mga mahihirap na pamilya ay tiyak na makakatulong upang gumaan ang kanilang buhay.
Sa kabilang banda, ang maigting na kampanya at mahigpit na pagpapatupad ng mga batas laban sa kriminalidad ay inaasahang magdudulot ng kapayapaan sa bansa na magbibigay ng kumpiyansa sa mga negosyante na maglagak ng puhunan sa bansa. Gaya ng paniwala ni Mayor Joseph Estrada, “There can never be progress without peace.”
Gayundin, ang pagsugpo sa korapsyon sa hanay ng pamahalaan ay magtitiyak na ang mga pondong inilaan para sa mga programa kontra-kahirapan ay tiyak na mapupunta sa pagpapatupad ng mga kapaki-pakinabang na proyekto, at hindi sa bulsa ng mga tiwali.
Anuman ang daang tatahakin ng papasok na Presidente, umaasa tayo na mabibigyang aksyon ang kapakanan ng mga masang Pilipino upang sa huli ay bumuti ang kanilang kalagayan at mapalaya na sila mula sa kahirapan.