Maruming minahan paparusahan
TIYAK hihiyaw ito ng “political harassment.” Pero ang minahang SR Metals sa Agusan ay paparusahan ni President-elect Rody Duterte. Nu’ng kampanya pa ay binatikos na niya ang maruming paghakot nito ng nickel ore, kaya nakalbo ang kabundukan at nalason ang mga ilog. Nitong victory party ng mga taga-suporta niya sa Davao City, muli niyang inungkat ang paghihirap ng mamamayan dahil sa SR Metals.
Malakas ang SR Metals sa Liberal Party nina Noynoy Aquino at Mar Roxas. Nagpondo kasi ito ng presidential campaigns nila nu’ng 2010 at 2016. Pag-aari ito ni “bilyonaryong” Eric Gutierrez at LP spokesman Rep. Edgar Erice.
Nagpanggap na “small-scale miner” ang SR Metals. Kunwari’y piko, pala, at kartilya lang ang gamit, pero heavy equipment, dump trucks, at barko ang pinang-hakot ng nickel ore. Imbis na 50,000 tonelada ng bato lang ang hukayin kada taon, 2 milyong tonelada ang tinibag na bundok; P3 bilyon ang kinulimbat na yamang lupa. Lumaban ang mga Lumad, na sinagot ng bala, kulong, at pagpapalayas sa sitio. Imbis na ipasara ng Malacañang, in-award pa nina Aquino at Roxas ang minahan dahil kuno sa pagiging maka-tao at maka-kalikasan. Sinuway ng SR Metals ang pagmulta ng Korte Suprema ng katiting na ngang P7 milyon.
Nu’ng 2010 ipinang-kampanya nina Aquino at Roxas ang iisa pa lang na jet ni Gutierrez. Nitong Halalan 2016, walong aircraft na ang ipinagamit, pito ay brand new. Nang mabunyag ito, umangil si Roxas, “Kaibigan ko si Eric Gutierrez, ano ang masama du’n?”
Dalawa ang masama du’n, sagot kay Roxas ng Internet bloggers. Una, labag sa Election Code mag-contribute ang, at tumanggap ang kandidato mula sa sinomang may prankisa sa gobyerno, tulad ng minahan. Ikalawa, in-exempt sa buwis ang jet imports ni Gutierrez, at paspasan pa ang paglisensiya, na ipinagkait sa mga kakumpetensiya. Transport chiefs kasi sina Roxas at LP president Joseph Abaya, di ba?
- Latest