Unang Bahagi
HINDI LAHAT ng dumadalo sa isang kasayahan ay umuuwing nakangiti. Ang iba hindi na makuhang tumawa pa.
“Nung makita ko ang itsura ng anak ko grabeng stress ang pinagdaanan ko. Hindi ko akalain na mamamatay siya sa ganung sitwasyon na hindi naman dapat,” ayon kay Cynthia.
Mahilig sa mga sasakyan, ganito ang bunsong anak ni Cynthia Reblora na si Jay Ryan Reblora. Sa ganitong paraan niya rin nakilala ang kaibigan ng kanyang naging karelasyon sa loob ng anim na taon na si Jose Lito Monterola Monreal II.
Ika-24 ng Enero taong 2015 nang umalis ng bahay si Ryan suot ang board shorts at jacket na may hood. Nakuhanan pa ito sa CCTV ng kanilang lugar. Sa isang birthday party ng kakilala ang punta ng binata.
Bihira na raw niyang makasama ang grupong ito mula nang maghiwalay sila ng kanyang karelasyon at hindi matuloy ang kanilang kasal. Malapit itong kaibigan ng babae.
May tumawag kay Cynthia upang ipaalam na naaksidente si Ryan nung Enero 25, 2015. Nagpunta sila sa Plaza de Venecia St. Brgy Talon Dos, Las Pi?as kung saan nagpunta si Ryan.
“Natagpuan ang katawan niya apat na bahay ang layo mula sa kakilalang nag-birthday party. Halos hubad na ang anak ko. Naka-brief na lang at t-shirt,” sabi ni Cynthia.
Nasagasaan ito ng sariling sasakyan na Toyota Corolla na kayang tumakbo ng 5.2 turbo-charged engine. Minamaneho ito ni Monreal II sakay din nito si Gerard O. Goco.
Hindi maintindihan ng pamilya kung anong nangyari sa anak at nasa ganung sitwasyon. Tanging ang Emergency Response Team ng Las Pi?as ang kumuha ng litrato sa biktima.
Walang Scene of the Crime Operatives (SOCO) na dumating upang imbestigahan ang insidente. Ipinilit ng mga kasama ni Ryan na aksidente ang nangyari at nagpatintero raw ito.
“Kung totoong nangyari yun bakit hindi napuruhan ang tuhod? Bakit yung brief niya batak at bakit nakahubad?” tanong ni Cynthia.
Hiniling din ng kapatid ni Ryan na si Engr. John Rhoderick Reblora kay Traffic Enforcer PO3 Nicanor Sarmiento Ragay na paimbestigahan ito sa SOCO dahil hindi naniniwala ang pamilya na ito’y tulad lang ng ordinaryong pedestrian-vehicle accident.
Depensa pa ng mga nakasama ni Ryan nung gabing yun bigla na lang daw itong tumalon.
Kasong ‘Reckless Imprudence Resulting to Homicide’ ang isinampa ng pulis laban kay Monreal II.
Ipinagtataka din ng pamilya kung bakit ang sirang natamo ng sasakyan at ang ‘autopsy report’ kung anong natamong pinsala sa katawan ng biktima ay hindi naikonsidera nung nag-iimbestiga ang pulis at sa inquest proceedings.
Lahat ng tama ni Ryan ay sa bandang kanan ng katawan. Sa ulo, braso at hita ito napuruhan. Nagkaroon din ito ng punit sa kanyang tuhod.
“Hindi namin maintindihan kung bakit ginawa nila ito sa anak ko. Nung nag-aaral pa siya eskwelahan bahay lang siya. Wala siyang naging kaaway,” sabi ni Cynthia.
Hinala ng pamilya baka binugbog muna ang kanilang anak. Payat lang ito na matangkad ngunit kung ikukumpara mo sa katawan nina Monreal II na maskulado wala talagang kalaban-laban ang kanyang anak.
Nais din ng pamilyang makasuhan ang ilan pang pinaniniwalaan nilang kasabwat sa pagkamatay ng kanyang anak na sina Albert Gerard Goco, Arthur Emil Guillen, John Daniel Ocampo, Ernest Lyle Lucido, Rocelino Danan, Philippe Michael Granada, Bea Labilles, Luisa Ysza de Real at Eden Manlapaz na ex-girlfriend ni Ryan kabilang ang ilang pang John at Jane Does.
Ang short at jacket na suot ng anak nang umalis ito ng bahay ay nakatupi at nakalagay sa isang sasakyan. Ang girlfriend naman ng akusadong si Monreal II ang may hawak ng wallet at cellphone ni Ryan.
“Kung talagang aksidente ang nangyari bakit wala man lang kagalos-galos ang pasahero ng sasakyan. Parang hindi man lang nag-break,” pahayag ni Cynthia.
Hindi tumigil ang pamilya Reblora sa paghanap ng kasagutan sa lahat ng kanilang mga tanong. May impormasyon silang nakalap at ayon sa residenteng nakausap nila ay tatlong beses daw silang nakarinig ng pag-ikot ng kotse.
Pinaniniwalaan nilang may ‘foul play’ na nangyari nung gabing yun. Isa sa nakita nilang palatandaan ay ang batak nitong brief.
Ang ilang damit nito ay walang kabakas-bakas ng dugo gayung duguan nang matagpuan si Ryan sa kalsada.
Hiniling din nila sa mga akusado sa pamamagitan ng isang petisyon na ipaliwanag kung bakit ganun ang kalagayan ni Ryan nang matagpuan ito ng Emergency Response Team.
Maaari raw na na-bully itong si Ryan ng mga akusado at kinuha ang board shorts nito. Hinawakan siya at pinuwersang hubarin ang kanyang shorts habang ang kanyang brief naman ay nabatak. Kinuha ang susi ng kanyang sasakyan at minaneho.
Ngayong nakahubad na si Ryan ay napahiya kaya sinubukan niyang lumaban o kunin ang kanyang shorts sa gitna ng kalsada o posible ding itinulak ito at tumama sa sariling sasakyan na mabilis ang takbo habang minamaneho ni Monreal II.
Ayon din sa petisyon wala daw ‘skid marks’ na makakapagpatunay na inapakan ni Monreal II ang preno para iwasang masagasaan ang biktima. Naging palatandaan ito ng pamilya na intensiyon ng nagmamaneho na patakbuhin ng mabilis ang sasakyan.
Naiakyat ang kaso sa Homicide ng Inquest Prosecutor. Hindi naman tumigil ang pamilya sa pagkalap ng ebidensya at ilang impormasyon.
Tingin nila nag-ugat ang lahat ng ito sa pagkansela ni Ryan sa kasal nila ng ex-girlfriend na malapit na kaibigan nina Monreal II.
Ginamit pa raw ng isang akusado ang cellphone ni Ryan para tawagan ang karelasyon nito upang ibalita ang nangyari.
ABANGAN ang karugtong at ilang detalye kabilang ang salaysay ng mga nakasaksi at akusado sa pagkamatay na ito ni Ryan. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
***
Kung sino ang may impormasyon sa kinaroroonan ng larawan sa ibaba ay ipagbigay-alam lamang sa mga numero sa itaas.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618