ISA lang ang mensahe ni President-elect Rody Duterte sa mga taong-gobyerno na sangkot sa ilegal na droga. Habang may mukha pa raw silang ihaharap at bago pa siya umupo sa Malakanyang sa katapusan ng buwan, ngayon palang umpisahan na nilang mag-alsa-balutan.
Tatlong heneral ng PNP na umano’y protektor ng drug traffickers sa bansa ang unang sinampolan ni Duterte noong nakaraang linggo. Kaysa pangalanan at ipahiya nya raw sa publiko, makabubuting unahan na raw nilang mag-resign.
Nauna nang itinanggi ito ng pamunuan ng PNP. Subalit, nagsasagawa na raw sila ng internal investigation.
Nitong nakaraang araw, mga lokal na ehekutibo naman ang binalaan ni Duterte. Tatlumpu’t lima raw na mga mayor at gobernador sangkot sa patagong industriya ng droga.
Sinabi ni Rep. Danilo Suarez, binibigyan raw sila ng pagkakataon ni Digong na mangumpisal sa kanilang aktibidades. May posibilidad din daw na mapababa ang kanilang sentensya.
Seryoso ang administrasyong Duterte na linisin ang hanay ng mga manunungkulan sa kanyang termino. Sinisigurong hindi iiral ang “narco-politics”. Bago niya puntiryahin ang mga adik at sibilyan, uunahin niya munang linisin ang mga bulok sa kanyang bakuran.
Habang isinusulat ang kolum na ito hindi pa rin isinasapubliko ng pangulo ang pagkakakilanlan ng tatlong matataas na opisyal ng PNP at mga tinukoy na local executives.
Mag-aabang ang BITAG at ang publiko. Sino ang mga ipapahiya at sino ang mga mangungumpisal.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas mag-subscribe sa BITAG official YouTube channel.