EDITORYAL - Pati mayor at governor dawit sa illegal na droga

HINDI lamang mga pulis ang sangkot sa illegal na droga maging ang mga local executives na kinabilangan ng mayor at governor ay dawit din. Si President-elect Rodrigo Duterte umano mismo ang nagpangalan sa 35 local executives subalit hindi naman ito inihayag sa media. Ayon kay Quezon Rep. Danilo Suarez, harap-harapang sinabi sa kanila ni Duterte ang 35 local executives subalit tumanggi ang mambabatas na sabihin ang mga pangalan nito. Sabi ni Suarez, maaaring binibigyan ni Duterte ang 35 local executives ng pagkakataong umamin para hindi na hiyain pa o kaya’y salakayin.

Noong Sabado, sa Thanksgiving Party ni Duterte sa Davao City, harap-harapan nitong sinabi na tatlomg police generals sa Camp Crame ang sangkot sa illegal drugs. Pinayuhan niya ang mga ito na magsipag-resign na bago pa sila hiyain sa publiko. Sabi naman ni PNP chief Director General Ricardo Marquez na hindi basta-basta mapagre-resign ang mga inaakusahang heneral sapagkat dadaan ito sa tamang proseso. Ganunman, sabi ni Marquez, naniniwala siyang walang sangkot na heneral sapagkat nagmo-monitor sila at nagli­linis sa kanilang hanay.

Sabagay wala namang aamin sa ganitong kasamang aktibidad. Pero malinaw na marami nang pulis ang nahuli dahil sa pag-recycle ng shabu. Hindi nila dinideklara lahat ang nakukumpiska. Kamakailan lang, nahuli si PO2 Allangan sa mismong bahay nito sa Balic-Balic na nag-iingat ng shabu. Pati asawa nito, dawit din.

Nakakatakot na ang nangyayari na pati mga mayor at governor ay dawit din sa illegal drug trade. Narito na ang narcopolitics. Pinaiikot na sila ng sindikato at anuman ang iutos ay hindi sila makakatanggi.

Tama lamang na ibalik ang death penalty at unang­ sampolan ang mga pulis at local executives na sangkot sa illegal na droga. Ito ang nakikitang paraan para maisalba ang bansa sa lalo pang pagkalubog dahil sa illegal drugs.

Show comments