Bukol sa suso at biopsy

MAPALAD tayo dahil si Dr. Meredith Garcia, isang cancer specialist sa PGH, ay nagbigay ng payo tungkol sa bukol sa suso.

Heto ang paliwanag ni Dr. Garcia:

Dahil ito ang pinakamadalas na tanong, heto ang kaalaman tungkol sa Fibrocystic Changes sa suso.

Una, ang fibrocystic changes ay hindi kanser. Ito ang pang-karaniwan na benign kondisyon ng suso.

Ang ibig sabihin ng fibrosis ay laman na parang peklat. Ang cysts ay bilog-bilog na may lamang likido. Ito ay karaniwang nalalaman ng doktor base sa sintomas ng mga umbok sa suso, pamamaga, at pagkirot.

Kadalasan ay mas nadadagdagan ang mga sintomas nito sa panahon ng mens o regla dahil may pagbabago sa istruktura ng breast na dulot ng mga hormones na kaakibat ng pag-reregla.

Ngunit kung mayroon ka ng mga sintomas na ito, hindi pa rin tayo tiyak na fibrocystic changes lang iyan. Kailangan na magpatingin sa doktor para masuri ang sintomas mo, upang malaman kung ano ang inyong mga bukol, kung kailangan ba ng biopsy, at kung ano ang dapat gawin.

Biopsy ng bukol, makatutulong sa pag-gamot:

Maling paniniwala: “Dok, ayaw ko magpa-biopsy kasi sabi nila kakalat lalo ang bukol kapag nagalaw.”

Sagot ni Dr Garcia: Ang kanser na hindi na-biopsy ay hindi magagamot ng tama kung kaya sigurado ang pagkalat at paglala nito.

Ayon sa isang siyentipikong pag-aaral ng mahigit 2,000 pasyente na dumaan sa biopsy sa Mayo Clinic sa Amerika, walang sapat na basehan ang haka-hakang ito.

Sa katunayan, nakita nila na mas mahaba ang buhay ng mga pasyenteng may kanser na na-biopsy. Ito ay dahil mahalaga ang biopsy upang matukoy ng mga doktor ang eksaktong klase ng kanser at maibigay ang pinakae-pektibong gamutan.

Show comments