SA panahong ito, halos lahat ng tao ay mayroong cell phone. Lalo na ang mga kabataan at “millennials,” hindi na sila mahiwalay sa kanilang mga smartphones at katuwang nila ito sa halos lahat ng kanilang gawain. Bagama’t higit ang pakinabang nito sa atin, mayroon ding pagkakataon na ito ay nagiging sanhi ng disgrasya.
Naalala ko ang kaso ng isang pampublikong bus na sumalpok sa poste ng EDSA at Ortigas flyover at sa katabi nitong poste ng MRT. Pitong pasahero nito ang nasugatan, habang napakarami ang naperwisyo sa mabigat na trapiko sanhi ng aksidente. Ang dahilan: Ang diumanong dahilan ay ang pagte-text ng tsuper habang nagmamaneho.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga driver na gumagamit ng CP habang nagmamaneho ay apat na beses na posibleng maaksidente kumpara sa tsuper na hindi nagsi-cell phone dahil hindi naibibigay ng una ang buong atensyon nito sa kalsada at sa maingat na pagpapatakbo ng sasakyan.
Kaya naman ipinanukala ni Sen. Jinggoy Estrada ang pagbabawal ng paggamit ng CP at mga katulad ng mobile communications device habang nagmamaneho ng sasakyan bilang pagsusulong ng kaligtasan sa kalsada, hindi lamang ng mga motorista kundi pati na rin ang mga tumatawid at iba pang mananakay.
Noong Lunes lamang, inaprubahan na ito sa Senado, na tamang-tama naman sa paggunita ng Land Transportation Safety and Accident Prevention Month sang-ayon na rin sa Presidential Proclamation 115-A.
Sa ilalim ng Senate Bill 3211, ipagbabawal habang nagmamaneho ang paggamit ng mobile communications device, gaya ng cell phone at wireless telephone upang magsulat, magpadala, o magbasa ng mensahe at tumawag. Ipagbabawal na rin ang paggamit ng mga electronic at computing device gaya ng laptop computer, tablet, video game console, upang manood ng pelikula, mag-surf sa internet, magbasa ng e-book o maglaro rito.
Sakaling maging ganap na batas, ang sinumang lalabag dito ay ang pagmumultahin ng P5,000 sa unang paglabag, multa naman na P10,000 sa ikalawang beses na paglabag, at P15,000 multa naman at pagka-suspinde ng driver’s license ng tatlong buwan sa ikatlong paglabag.
Gayunpaman, pinapayagan naman ang paggamit ng CP kapag tumatawag sa ahensiya ng pulis, health care provider at fire department kapag may emergency.