Made in the Philippines
MAY sariling industriya na pala ang Pilipinas sa iligal na droga. Nalaman na ng NBI sa pamamagitan ng toxicology report na ginawa sa ilang namatay sa Close Up Forever Summer concert na positibo sila para sa mga bagong “party drugs” kung tawagin, na dito na lang sa bansa nilikha. Mga pinaghalo-halong kilalang droga tulad ng ecstacy, shabu at iba pang mga gamot. Wala naman daw kasing mga drogang “Fly High”, “Green Apple” at “Green Amore” sa ibang bansa, kaya ang paniniwala ay dito na lang naimbento ang mga iyan. Made in the Philippines.
Pero dahil pinaghalo-halong ibang droga ang sangkap, mas masama na ang nagiging epekto nito sa katawan. Para sa gumagamit ng mga ito, hindi na sila nakararamdam ng pagod, sakit ng katawan, uhaw, pulikat at iba pang mga sintomas na may masamang nagaganap sa katawan, hanggang sa huli na ang lahat at atake sa puso na ang kinatapusan. Kapag hinaluan pa ng alak, mas mabilis pa ang pagkalat ng mga nasabing droga sa katawan. Mga kabataan ang target ng mga nagtutulak ng mga drogang ito, at ang mga katulad ng nabanggit na concert ang siyang inaasahan na magbibigay ng maraming mamimili.
Kung sa Netherlands nanggagaling ang ecstacy, makikilala naman ang Pilipinas na suplayer ng bagong drogang ito, kung hindi masusugpo. Ngayong alam na ng publiko, sana magtulungan ang lahat para mawala na ang salot na ito sa lipunan. Kapag may kaparehong stilo na concert, kung may plano pa ang sinomang organizer diyan, alam na dapat ng mga otoridad kung paano babantayan ang mga dadalo.
Ang pagbantay ay hindi dapat sa pasukan lang, kundi sa loob mismo. Maging mahigpit sa mga papasok. Kung ayaw magpa-inspeksyon, huwag payagang makapasok. Maglagay ng mga asong sanay makaamoy ng droga sa pasukan, at iparonda na rin sa mismong pagtitipon ng mga tao. Mas mabuti na ang makatanggap ng batikos mula sa mga dadalo sa concert sa paghigpit ng seguridad, kaysa naman umuwi sila ng wala nang buhay. Habang may droga, may bibili, at habang may bibili, sigurado laganap pa rin ang iligal na droga. Kaya bukod sa mga pamamaraang ito, mahalaga rin ang edukasyon laban sa droga, pati na rin ang mahalagang gabay mula sa mga magulang, lalo na kung mga kabataan nga ang target ng mga nagtutulak.
- Latest