BUKOD sa pagbubukas ng mga klase sa mga paaralan at ang inaasahang pagsisimula ng panahon ng tag-ulan, tuwing Hunyo ay inoobserba rin ang National No Smoking Month. Ang National No Smoking Month ay bunsod ng deklarasyon ni dating Pres. Fidel Ramos noong Mayo 1993 sa ilalim ng Proclamation 183 bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan hinggil sa pagpapakalat ng wastong kaalaman tungkol sa masasamang epekto sa kalusugan ng paninigarilyo.
Ito ay bilang pakikiisa rin ng Pilipinas sa World No Tobacco Day (WNTD) na ino-obserba tuwing Mayo 31 bawat taon sa iba’t ibang panig ng mundo. Layon ng kampanya ng pandaigdigang World Health Organization (WHO) na hikayatin ang mga tao na umiwas sa paghithit ng tabako sa loob ng 24 oras sa buong mundo.
Sa tala ng WHO, maituturing na ang “tobacco epidemic” ay isa sa pinakamalaking banta sa kalusugan ng tao sa mundo. Tinatayang 6 milyon ang namamatay kada taon sa buong mundo sanhi ng paninigarilyo, at halos 600,000 dito ay biktima lamang ng tinatawag na second hand smoke o ang iyong mga hindi naninigarilyo ngunit lantad at nakakalanghap ng usok ng tabako o sigarilyo.
Ayon pa rin sa WHO, higit 4,000 kemikal ang matatagpuan sa usok ng sigarilyo at hindi bababa sa 250 dito ang nakakasama sa kalusugan samantalang 50 dito ay napag-alamang sanhi ng kanser.
Samantala, ang Pilipinas ay itinuturing na pangalawa sa pinakamalakas na kumonsumo ng tabako sa buong rehiyon ng Timog Silangang Asya. Ayon sa 2009 Global Adult Tobacco Survey may 17.3 milyong Pinoy na may edad 15 pataas ang naninigarilyo. Tinatayang ang 11 stick ng sigarilyo ang nauubos ng isang lalaking naninigarilyo sa bansa. Napaulat na 10 Pinoy naman ang namamatay kada oras dahil sa sigarilyo.
Magandang pagkakataon ang okasyon na ito upang mas paigtingin ang pagpapakalat ng impormasyon hinggil sa paninigarilyo upang makaiwas ang ating mga kababayan sa masasamang epekto ng masamang bisyo na ito.