Natagpuan na ang black boxes?

MAY balita na alam na ang lokasyon ng “black box” ng EgyptAir 804 na bumagsak noong  isang linggo. Kaya oras na lang ang hihintayin kapag tuluyang makuha na mula sa ilalim ng karagatan ang mahalagang kagamitan ng eroplano. Pero sa ngayon, hindi pa rin masabi ang dahilan kung ano ang sanhi ng pagbagsak ng eroplano. Ang mga nagsusulong na gawa ito ng terorista ay tila nagdadalawang-isip na rin, kasi hanggang ngayon ay wala pang umaamin sa krimen. Ano raw ang silbi ng pagpapabagsak ng eroplano kung hindi naman aangkinin? Ang katangian nga daw ng terorista ay ipaalam ang kanilang ginagawa para makilala, at katakutan. Pero sa EgyptAir 804, wala pang umaangkin. Pero base naman daw sa mga nakitang labi ng ilang pasahero, malaki ang indikasyon na may sumabog sa eroplano. Kung bomba ito o bahagi ng eroplano na nagkadiperensiya at sumabog ay hindi pa matiyak.

Marami ang gustong malaman kung ano ang nangyari sa EgyptAir 804, lalo na mga kapamilya ng mga pasahero. Mahalaga rin ito para sa industriya ng aviation. Kapag may bumabagsak na eroplano, mahalaga ang malaman ang sanhi, anuman iyon. Kung problema sa eroplano, gawin ang dapat para maayos at ipatupad sa lahat ng eroplanong lumilipad. Kung tero­rista, alamin kung paano naisakay ang bomba para magawan ng mga pagbabago sa seguridad para sa lahat ng eroplano.

Isang detalye ng EgyptAir 804 na madalas pag-usapan ay naganap ang pagbagsak ng eroplano sa pinakaligtas na bahagi ng biyahe, at ilang oras na rin lumilipad. Ang mga nagsusulong na gawa ito ng terorista ay aminado rin na hindi ganito ang istilo nila. Kapag nakalipad na ang eroplano, dito na pinapasabog ang eroplano para mas malawak at matindi ang epekto sa lahat. Kung problema naman sa eroplano, siguradong nais malaman ng lahat kung ano ito. Ang Airbus A320 ay gamit ng halos lahat ng kumpanyang eroplano ngayon, pati dito sa Pilipinas. May bagong diperensiya ba na lumulutang? Ang mga “black boxes” ay limitado rin ang buhay dahil sa baterya ang nagpapagana dito. Kaya sana makita na, bago tuluyang maubos ang baterya na may buhay na higit-kumulang isang buwan. Kaya wala na ring balita sa Malaysia Airlines MH370 dahil matagal nang naubos ang baterya ng “black boxes” nito.

Show comments