Ekonomiya umunlad pero walang trabaho

IBINANDERA ni President Noynoy Aquino na sumipa ang ekonomiya nang 6.9% nitong Enero-Marso 2016 -- “mas matindi kaysa inaasahan.” Pero balewala ‘yon sa nakararaming ordinaryong mamamayan. Bakit? E kasi naman mas maraming walang trabaho, kaya naghihirap.

Mahigit 2.6 milyon ang unemployed, 6.5% ng labor force, nu’ng nagtapos ang 2015. Wala pa diyan ang Leyte-Samar, na hindi pa nakaka-bangon mula sa pagwasak ng super typhoon Yolanda.

Karamihan ng mga jobless ay taga-kanayunan. Batay­ mismo sa ulat ni P-Noy, bumagsak ang agrikultura nang 4.4% nitong 2015. Ikatlo ng mga manggagawa, at kalahati ng mga maralita ay nasa sakahan.

Dalawa sa bawat tatlong unemployed ay lalaki. Ibig sabihin, sa bansang ito na nagmamaliit sa kababaihan, ang mas maraming nagtatrabahong babae ay mababa ang sahod pero labis ang serbisyo. Mahigit 7.2 milyon ang kapos-kita, 18.5%, nu’ng 2015.

Tatlo sa bawat apat na jobless ay mga nakakabatang edad 15-35. Nasa kalakasan sila ng buhay, ngunit hindi makaangat. Hindi nakapagtataka na mga ka-edad nila ang mas masugid na sumuporta sa pagbabago, na sina­gisag ni presidentiable Rody Duterte.

Sana nga’y maiwasto na ang maling pagbubuwis, kakulangan ng infrastructures, at puro utang ng gob­yerno, na pabigat lang sa madla.

Dalawampung porsiyento na iniunlad ng ekonomiya ay napunta sa 50 pinaka-mayayamang pamilya. Samantala, sa surveys nu’ng Disyembre 2015, itinuring ng kalahati ng mamamayan, 11.2 milyong pamilya, na mahihirap sila.

Gobyerno sana ang magsimula ng pagkakatrabaho. Kung mangontrata ito ng mga bagong kalsada, tulay, riles, pier, at airports, marami ang maeempleyo.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments