MATAPOS ang kanyang panalo sa nakaraang halalan, sinimulan na ni incoming President Rodrigo Duterte ang pagpili sa mga uupo sa kanyang Gabinete. Gaya ng mga napaulat, tila may job fair na nagaganap sa Davao dahil sa dami ng mga taong nagtutungo roon upang makipagpulong sa bagong Presidente at mag-apply ng trabaho.
Nauna na niyang sinabi na tanging ang “the best and the brightest” ang kanyang makakasama sa paglilingkod sa susunod na anim na taon ng pamamahala.
Habang may ilan nang napili si Duterte at naianunsyo na rin kamakailan, mayroon pa ring ilang mga bakanteng posisyon. Nauna na niyang inilahad na mayroong apat na matataas na posisyon sa pamahalaan ang kanyang binuksan at ibibigay sa Communist Party of the Philippines (CPP) sakaling nais nitong makipagtulungan sa pamahalaan.
Ito ay ang mga puwesto sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Ayon kay Duterte, ang kanilang grupo kasi ang pinaka-mapagmatyag sa mga isyung kinakaharap ng mga sektor na ito, partikular sa paggawa.
Nirerespeto ko ang desisyon ni Duterte na mamili ng mga tauhan na magiging kinatawan niya sa iba’t ibang ahensiya at kagawaran ng pamahalaan na magpapatupad ng kanyang mga ipinangakong programa sa bayan.
Hangad ko ang tagumpay ng kanyang administrasyon, lalo na sa pagsusulong ng kabutihan ng kapwa manggagawa at employer. Sa hanay ng manggagawa, nawa ay ganap na maproteksyunan ang kanilang mga karapatan sa trabaho at maibigay ang nararapat na benepisyo. At sa mga employer naman ay matugunan ang kanilang mga pangangailangan sa mga manggagawang may sapat na kasanayan at tuluy-tuloy at matatag na pagnenegosyo.
Batid ko ang kahagalagahan na ang pambansang pamahalaan ay maging patas at makatarungan sa parehong panig, lalo pa’t ang pagtutulungan, kooperasyon at pagyabong ng bawat manggagawa at employer ang makapagsusulong nang masiglang ekonomiya at pangkalahatang kaunlaran.