Simula ng lumabas ang mga panayam ni Presumptive President-Elect Rody Duterte tungkol sa walang habas niyang pagbatikos, paninira at pagbibitaw ng masasakit na salita laban sa Simbahang Katolika at sa mga obispo nito, ako ay masugid at kalmadong nag-usisa at sumubaybay.
Aking pinanuod at binasa ang mga nakalap kong imporsmasyon mula noong Lunes hanggang sa sulatin ko ang artikulong ito. Nabigla ako sa bawat salitang kanyang nasabi at natanong ko ang aking sarili sino ang mga nasa likod ni Mayor Digong upang akusahan at banatan ang Simbahan kasama ang mga obispo nito at kung walang sinuman ang nag-impluwensiya sa kanya, sawimpalad kang talaga. Binansagan pa nga niya ang Simbahang Katolika bilang “The Most Hypocritical Institution.”
Bilang Katoliko, ano ang dapat nating gawin. Sa unang tingin ba ay katanggap-tanggap na tayo ay manahimik na lamang. Kapag tayo ay nakipagsabayan sa istilo ni Pangulong Digong, wala tayo mapapala kundi ang patuloy at walang katapusang bangayan at siraan. Mas lalong lalaki ang siwang ng hindi pagkakaunawaan.
Mawawalan lamang tayo ng kumpiyansa sa kanya at maging kapayapaan. Ang kanyang istilo ay usapang-pampalengke, di dapat patulan at dapat na baliwalain na lamang dahil sariling pananaw lamang niya ang kanyang iginagalang, may pagkasarado ang isip at dinadaan lamang sa sindak, dakilang bully ika nga.
Yun bang sa tingin niya siya lang ang tama at may alam ng lahat. Hindi rin matino ang sinumang pumatol sa taong may ganitong pag-uugali lalo pa at walang paggalang sa pagpapahalagang pantao at paniniwala ng iba tulad ng turo ng Simbahan.
At dahil matino tayong tao na may pag galang sa karapatan ng sinuman, hindi tayo dapat pumatol. Masaktan man tayo sa walang habas niyang paratang, hindi pa rin tayo talo dahil sa Diyos na siya may pananagutan. Sa bagay, nagsasayang lang tayo ng panahon kung papatulan natin siya. Ang pananahimik ay hindi nangangahulugang talo o bigo, hindi rin ito pag-amin ng pagkakamali, ito ay katapangan. Handang harapin ang pagpapahiya kahit ito ay magdulot ng sugat.
Pangalawa, kung ito ay bunsod lamang ng emosyon dala ng galit at labis na hinanakit, hindi angkop na lugar na ibulalas sa harap ng media ang mga paratang lamang. Bakit hindi gamitin ang hukuman kung may paglabag sa saligang batas. Katarungan din ang dapat isaalang-alang lalo na kung maraming idinadamay gayong ilang tao lamang ang kinagagalitan.
Sawimpalad ang taong kinagagalitan at idinadamay ang mga walang kamuwang-muwang at nagiging iskandalo sa mga kabataan. Ito ba ang pagbabago na isinisigaw ninyo sa taumbayan noong halalan, na sirain ang dangal ng institusyong walang ibang ipinaglalaban kundi ang kapakanan ng taumbayan.
Matagal nang naabsuwelto ang mga obispo at pinatunayan na ng Senado na walang katotohanan ang akusasyong “Pajero Bishops”, dahil ilusyon lamang ito ni Margarita Juico na may galit sa Simbahan noong kasagsagan ng mainit na pagtatalo sa RH bill. Kung ang Simbahan ay nakikialam sa lipunan ay ginagampanan lamang nito ang kanyang tungkulin na proteksyunan ang kapakanan ng taumbayan. Walang ibang hinangad ang Simbahan kundi ang ipaalala sa atin ang turo ng ating Panginoong Jesus. Hindi sagot o tugon ang diktadurya sa kasalukuyang kalagayan ng bansang pinapahalagahan ang demokrasya.
Mahirap din tanggapin ng taong makitid ang pag-iisip na walang ipinapasya o eneendorso ang Simbahang Katolika tuwing eleksyon, gayong isasangkalan naman dito ang mga obispo na nagsalita upang bigyan ng gabay ang taumbayan. Tungkulin ng mga obispo na mangaral lalo na sa kapakanang moral at ispiritwal ng sambayanan.
Kung pakiwari ni Mayor Digong na siya ang tinutukoy ng liham pastoral noong May 1, 2016. “Bato, bato sa langit ang tamaan ay huwag magalit.” Ang mahirap dito, siya lamang ang nakaisip noon, gayong panuntunan lamang ang nilalaman nito upang pukawin ang pansin ng taumbayan na magdasal, maging matalino sa pagboto at magkaisa pagkatapos ng eleksyon.
Lumalabas mang sinagot natin ang ilan sa kanyang mga siniwalat, ito ay hindi para sa kanya kundi sa ating mga Katolikong nagsisiyasat lalo pa at dinamay tayong lahat sa usaping ito. Si Mayor Digong mismo ang nagtiwalag sa kanyang sarili at naglayo sa Simbahan, walang pari o obispo ang gumawa nito sa kanya.
Hindi kailanman matitibag ni masisira ang Simbahan. Mayroon pa siyang hindi alam sa kanyang mga pinaggagagawa, hindi lamang sa tao siya may pananagutan kundi maging sa Diyos. Kung hindi man siya naniniwala rito, siya na lamang ang dumanas sa kabilang buhay.
Nais man niyang sirain ang kredibilidad ng Simbahan, hindi sapat ang kanyang banta at akusasyon, hindi sapat ang iskandalo at patutsada. Hindi nagtagumapay sa kasaysayan ang mga nagtangkang sirain ang Simbahan mula noon hanggang sa kasalukuyan. Dahil ang Simbahan ay ang Panginoong Jesus mismo ang nagtatag. Kung ito ay sa Diyos, kailanman walang kakayanan ang taong gapiin ito.
Imbis na pagkakaisa at kapayapaan ang isulong, kaguluhan upang tamasahin ang kabilang dulo ng pagbabago, sa ikasisira at ikagugulo ng sambayanang Pilipino.
Hindi paghahati-hati ang solusyon upang tayo ay magbago. Kahit tayo ay makasalanan, may kahinaan, may pagkukulang, gaano man tayo kasama, ang pagbabagong kailangan natin ay mapatingkad ang kabutihan sa pamamagitan ng ating pagbabalik-loob.
Hinay-hinay lang po, anim na taon po yan, medyo matagal pa hanggang 2022. Naniniwala ako na ang lahat ng bagay ay maaring madaan sa magandang pakikipag-usap at makikipag-ugnayan.
Ito ay opinyon ko lamang bilang isang Paring Katoliko at sana respetuhin gaya ng madalas mong sabihin na mayroon tayong ‘freedom of speech’.
(Ang mga naisulat sa itaas ay nanggaling kay Fr. Raymond Acuña at hindi ibig sabihin opinyon ng “Calvento Files”. Binigyan namin siya ng pagkakataon na maisiwalat ang linoloob ng isang Paring Katoliko. ---tony calvento)
PARA SA ANUMANG reaksyon maaari kayong magtext sa 09198972854, at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618