PATULOY ang imbestigasyon sa mga namatay sa “rave” party na ginanap noong Sabado ng gabi hanggang Linggo ng madaling araw sa Mall of Asia open grounds. Pumayag na ang pamilya ng apat sa limang namatay na isailalim sa otopsiya ang mga biktima. Mahalaga ito para malaman kung ano ang dahilan ng kanilang pagkamatay, lalo na’t walang pisikal na pinsala sa kanilang katawan. Dapat nga siguro pag-aralan kung dapat gawing batas na rin ito, tulad sa Amerika.
Umamin na rin ang kasama ng isa sa mga namatay na bumili sila ng iligal na droga sa labas ng venue at ininom bago pumasok sa concert. Pero hanggang doon lang ang kanilang kooperasyon sa imbestigasyon. Ayaw magbigay ng pormal na salaysay. Kaya nahihirapan ang mga imbistigador sa kasong ito, dahil tila walang gustong makipag-ugnayan sa kanila. Patunay na maraming iligal na pangyayari ang naganap sa concert na iyan. Dapat sana malaman ang mga nagtinda ng droga. Pero wala ngang gustong magsalita na.
Hindi pa matukoy kung ano ang droga na maaaring nainom ng mga biktima. Maraming nagsasabi na halo-halo na ang mga droga ngayon. May lumulutang na “Green Amore”, pero hindi pa ito matiyak hanggang lumabas ang opsiyal na resulta ng otopsiya, pati na rin ng toxicology report. Ang pagdiskubre ng balat ng gamot na Trimetazidine kinaumagahan ay nagpapahayag na alam ng mga gumagamit ng anumang droga na iyan ang maaaring masamang epekto, kaya may pangontra na. Kumpirmado na massive heart attack ang ikinamatay ng dalawang unang na-otopsiya, parehong 18-taong gulang. Akala nila ganun lang kadali. Inom lang ng gamot, tigil na ang atake sa puso.
Inaalam pa kung may pananagutan ang organizer ng concert. Nalamang walang permit para magtinda ng alak sa loob ng concert, pero marami nga ang nagtinda. May mga nakapuslit pa ng sarili nilang alak, kaya indikasyon na hindi naman mahigpit ang seguridad. Dapat pa bang payagan ang ganitong klaseng concert, kung laganap naman ang paggamit ng iligal na droga ng mga kabataan na hindi rin naman mapigilan?