Mas mahusay na operasyon ng OWWA

ISA nang ganap na batas ang panukalang mas pagbutihin ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan para sa ating mga tinaguriang “bagong bayani” sa pamamagitan ng mas mahusay na operasyon ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).

Sa ilalim ng Republic Act 10801, na isinulong ni Sen. Jinggoy Estrada bilang principal author, binibigyang linaw ang mandato ng OWWA bilang pangunahing sangay ng pamahalaan na mangangalaga sa kapakanan at magsisiguro ng proteksyon sa lahat ng mga Pilipinong nangibang-bayan upang magtrabaho.

Mayroong mga ipapatupad na pagbabago sa ope­rasyon ng OWWA tungo sa mas matalino at lantad na paggamit ng pondo, pagpapatupad ng mas malawak na mga benepisyo at programa, pagbalangkas ng mga kinatawan ng OWWA Board at mga empleyado na magbibigay ng serbisyo, at paglalaan ng dagdag na budget mula sa pamahalaan.

Ang OWWA Fund na mula sa kontribusyon ng OFWs ay gagamitin na lamang para sa mga programang direktang pakikinabangan ng OFWs gaya ng repatriation assistance, reintegration program, loan and credit assistance, scholarship program, health, death and disability benefits, education and skills training, at iba pa.

Samantala, ang gastos sa suweldo ng mga empleyado at tauhan ng ahensiya at araw-araw na operasyon at pagpapatakbo ng opisina ay magmumula na sa pamahalaan.

Sa isasagawang reorganization, sisiguruhin na magkakaroon ng malawak na presesnya ang tanggapan mula head office nito hanggang sa iba’t ibang regional offices at foreign posts upang makapagbigay ng agarang serbisyo sa OFWs at kanilang mga pamilya.

Itinatakda rin ng bagong batas ang bukas na paggamit at pangangalaga ng pondo nito, gayundin ang regular na ulat sa mga investments at paglago ng OWWA Fund.

Inaasahan na sa ilalim ng bagong batas na ito ay mas mararamdaman ng milyun-milyong Pinoy sa iba’t ibang panig ng mundo ang nararapat na pag-kalinga ng ating pamahalaan sa kanila, hindi lamang bilang pagkilala sa kanilang mahalagang papel sa pambansang ekonomiya kundi bilang mga mamamayang dapat na proteksyunan at alalayan.

Show comments