Kamakailan, nilagdaan ni President Aquino ang batas na naglalayong bigyan ng mas maagang retirement age ang mga surface mine workers.
Sa ilalim ng bagong batas na Republic Act 10757, ibinababa ang retirement age sa 50 taong gulang para sa lahat ng mga surface mine workers sa halip na 60. Ito ay bilang pagkilala sa pagkalantad ng mga naturang manggagawa sa samu’t saring panganib at mga problemang pangkalusugan kumpara sa ordinaryong manggagawa na malayo sa mga minahan.
Ayon sa pangunahing may-akda ng batas na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada sa pamamagitan ng paghahain ng Senate Bill Nos 1062 at 1370, layon nito na magkaroon ng parehong patarakan sa mga manggagawa sa loob ng minahan hinggil sa retirement age.
Aniya, sa ilalim ng Republic Act 8558 na naisabatas noon pang 1998, inaamyendahan ang ating Labor Code upang ibaba ang retirement age ng mga underground mine workers sa 50.
Ngunit hindi nasakop ng naunang batas na RA 8558 ang katulad na mga manggagawa sa minahan na mga surface mine workers kabilang ang mga mill plant workers, electrical, mechanical and tailings pond personnel na silang naghihiwalay ng mga nakuhang mineral sa lupang minahan at nag-aasikaso ng mga kagamitan sa paligid ng mga minahan.
Ayon kay G. Octavius Ambucay ng Philex Mines Supervisory Employees’ Union (PMSEU) sa isang pagdinig noon sa Senado habang tinatalakay ang panukala, sinabi niyang sadyang mapanganib ang kalagayan ng mga minero at lantad sila sa maraming peligro. “Ang pagtatrabaho po sa minahan ay talagang mahirap. We are working eight hours a day, six days a week. Kaya ang experience po namin doon, ang mga taong nagre-retire at the age of 60 ang statistics po ay after three years namamatay sila dahil sa hirap,” pagbabahagi niya.
Kaya naman isinulong ni Jinggoy ang pantay na karapatan at retirement age para sa kanila. Sa ilalim ng RA 10757, ang mga surface mine workers na nagtrabaho ng limang taon bilang manggagawa ng minahan ay maaari nang magretiro kapag sumapit sila sa edad 50 at mapapakinabang nila nang buo ang kanilang retirement benefits.