Tuloy ang pagsulong ng Maynila
ILANG oras matapos magsara ang halalan ay pormal na idineklara ang tagumpay sa pagka-alkalde ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada na nagbibigay sa kanya ng panibagong mandato na maglingkod bilang Ama ng minamahal nating kapitolyong lungsod nang tatlo pang taon.
Sa ngalan po ni Mayor Erap, Sen. Jinggoy at aming buong pamilya, nais ko pong ipaabot ang aming lubos at taos-pusong pasasalamat sa mga Manilenyo na nagpakita ng kanilang mainit na pagmamahal sa amin, sa pagkakaloob ng kanilang tiwala, at sa lahat ng mga sumuporta sa kanyang kandidatura.
Umasa po kayo na mas paghuhusayin pa ni Mayor Estrada ang paglilingkod sa bawat Manilenyo sa pamamagitan ng pagpapatuloy at mas pagpapalawak pa ng mga benepisyong ibinibigay sa lahat ng mga mamamayan ng Maynila, gaya ng libreng serbisyong medikal at pagpapagamot, maayos na edukasyon para sa mga mag-aaral, mapayapa at ligtas na siyudad, komprehensibong tulong at ayuda sa mga kabataan, senior citizens at mga mahihirap na pamilya, at marami iba pa.
Gaya ng nasabi ni Mayor Erap, dodoblehin pa niya ang sipag sa pagtatrabaho upang magtuluy-tuloy ang pagsulong ng Maynila tungo sa ganap na pagpapanumbalik ng dating sigla at ganda ng ating tinatanging kabiserang lungsod. Aniya, iniaalay na niya ang kanyang buong lakas at buhay sa pagsisilbi sa mga Manilenyo, partikular sa pagtulong at pagpapabuti ng kalagayan ng mga mahihirap.
Tiyak na sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Estrada, hindi na mauulit ang pagka-bankarote ng Maynila at ang lahat ng pondo ng siyudad ay mapupunta diretso sa mga mamamayan nito bilang mahusay na serbisyo publiko at pagbuhos ng suporta sa lahat ng mga barangay. Tiyak na sa ilalim ng pamamahala ni Mayor Erap, tuloy ang pagsulong ng Maynila.
Samantala, nais ko ring pasalamatan ang mga sumuporta at nagtiwala kay Konsehala Janella Ejercito Estrada na siyang bagong halal na Bise Alkalde ng Lungsod ng San Juan. Tiyak akong sa kabila ng kanyang kabataan, ay magiging epektibo siyang pinuno ng lungsod dahil sa magandang naipamalas niya bilang miyembro ng konseho.
- Latest